Manila

MPIO sa Sta. Ana church: Sorry po

Edd Reyes Oct 11, 2025
301 Views

INAKO ng Manila Public Information Office (MPIO) ang pagkakamali sa nai-post sa kanilang FB na “Pagsasaayos ng Sta. Ana National Shrine” kaugnay sa ika-100-araw sa panunungkulan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Ang pag-amin ng MPIO ng pagkakamali bunsod ng pahayag ng National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Sta. Ana, Manila kaugnay sa nakasaad sa ulat na isa sa mga naisakatuparan ng alkalde ang pagsasaayos ng Sta. Ana National Shrine.

Ayon sa National Shrine of Our Lady of the Abandoned, walang proyekto o aktibidad na may kaugnayan sa pagsasaayos ng simbahan ang Maynila dahil kagandahang-loob ng kanilang mga benefactors at hindi ng Lungsod ng Maynila ang kasalukuyang pagkukumpuni ng kanilang bubong.

Humingi naman ng paumanhin sa pamunuan at parokya ng simbahan, pati na sa publiko, ang MPIO sa pagkakamali at nilinaw na hindi nabanggit ni Mayor Isko Moreno sa kanyang talumpati ang pagpopondo at pagsasaayos ng bubong ng simbahan.

Maging sa mga ibinahagi nilang press releases ay wala ring nakasaad sa naturang pagkukumpuni ng simbahan bagama’t kinikilala nila ang pagkakamali sa nai-post sa FB na kulang sa wastong konteksto.

Sinabi ng MPIO na ang nabanggit ni Mayor Isko Moreno sa kanyang talumpati sa unang 100-araw sa tungkulin ay ang planong pagsasaayos at muling pagpapaunlad ng Plaza Calderon kung saan naroon ang Sta Ana National Shrine.