Bautista

MRT-3 naka-heightened alert kaugnay ng Balik-Eskuwela 2023

186 Views

NAKATAAS ang heightened alert status sa buong linya ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 29.

Pinatitiyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista sa pamunuan ng MRT-3 na magiging ligtas, maayos, at maginhawa ang biyahe ng linya sa darating na pagbubukas ng klase.

“Sa direktiba ni Secretary Bautista, inatasan po natin ang bawat division ng MRT-3 na siguruhing sapat ang bilang ng tauhan na aagapay sa mga pasahero lalo na sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela,” ani DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.

“Gayundin, mayroon po tayong mga tauhan sa Operations Division na 24/7 nakatutok upang mabilis makaresponde sa anumang maiuulat na insidente sa kasagsagan ng balik-eskwela,” dagdag ni Asec. Aquino.

Ayon kay Asec. Aquino mayroon ding sapat na bilang ng mga tren para matugunan ang anumang pagtaas sa bilang ng mga pasahero.

“Sa kasalukuyan, may 18 train sets na tumatakbo sa main line tuwing peak hours at nasa tatlo hanggang apat ang spare trains,” sabi ni Asec. Aquino.

Sinabi rin ni Asec. Aquino na bukas ang mga Commuter Welfare Desk sa mga istasyon upang matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng mga pasahero at estudyante sa buong revenue hours.