Advisory

Muling magbabalik sa trabaho at sesyon ang Kamara sa Martes — Kalihim-Heneral Garafil

417 Views

MULING magsasagawa ng regular na operasyon sa opisina at sesyon plenaryo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Martes, Nobyembre 11, matapos ang pansamantalang pagsuspinde ng trabaho bunsod ng mga pagbabago sa iskedyul dahil sa masamang panahon na dulot ng Super Bagyong Uwan.

Sa isang abiso na inilabas nitong Lunes, si House Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil, ay opisyal na nagpaabot ng pabatid sa lahat ng mga miyembro at kawani ng Secretariat hinggil sa muling pagsisimula ng trabaho.

“Ito ay upang opisyal na ipabatid sa lahat ng mga Miyembro at kawani ng Secretariat na ang regular na operasyon sa opisina at ang sesyon plenaryo ay muling magsisimula bukas, Martes, Nobyembre 11, 2025,” ayon sa abiso.

Sinabi ni Garafil na lahat ng kinauukulan ay “inatasang pumasok sa trabaho ayon sa kani-kanilang iskedyul,” at binigyang-diin na ang sesyon plenaryo ay “magsisimula gaya ng naunang itinakdang oras.”

Ipinaalala rin niya sa mga empleyado at opisyal ng Kamara na “lubos na pinahahalagahan ang inyong kooperasyon at maagap na pagdalo.”

Ang pagbabalik sa normal na operasyon ay hudyat ng pagpapatuloy ng mga deliberasyon sa mga mahahalagang panukalang batas at mga pagdinig sa oversight functions ng Kamara.

Inaasahan na tatalakayin ng mga mambabatas ang ilang prayoridad na panukalang batas, kabilang na ang pagpasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng pambansang badyet para sa 2026, bilang bahagi ng repormang programa ng administrasyon sa huling bahagi ng taon.

Ayon sa mga opisyal, ang pagbabalik sa regular na operasyon ay patunay ng patuloy na pagtutok ng Kamara sa pagpapanatili ng sigla ng proseso ng lehislasyon.