BBM

Murang bilihin hatid ng Kadiwa ng Pasko

188 Views

MAKAKABILI ng murang produkto ang publiko sa mga Kadiwa ng Pasko project na inilungsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkoles, Nobyembre 16.

Ayon kay Marcos ang mga Kadiwa market ay magbebenta rin ng bigas sa halagang P25 kada kilo.

“‘Pag bibili ng bigas kinukuha sa NFA, kinukuha sa buffer stock… hindi kumikita ang NFA. Kung ano ‘yung pinambili nila ganoon din ang presyo kaya’t ‘yung nakita ninyo ‘yung bigas P25,” sabi ni Marcos.

Sinabi ng Pangulo na papalapit na ang bansa sa pangarap na P20 kada kilong bigas.

“Palapit na tayo dun sa aming pangarap na mag-P20 pero dahan-dahan. Aabutin din natin yan,” dagdag pa ni Marcos.

“Ang Kadiwa ay nagdadala lamang ng mas mura na bilihin para sa taong-bayan… Ito namang Kadiwa ay nakakamura ito dahil ang pamahalaan ay bumibili diretso sa supplier kaya’t lahat ‘yung… Lahat ng transport cost, lahat ng mga ganyang klase na kailangang bayaran ang gobyerno na ang gumagalaw,” ani Marcos.

Inilungsad ang programa sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City at sinundan ng pagbubukas ng iba pang Kadiwa site sa iba’t ibang lugar.

“Labing-apat, labing-apat ito na iba’t ibang Kadiwa ng Pasko na binubuksan namin. Si First Lady napunta sa Parañaque, Si Congressman Sandro nasa Quezon City, ‘yung isang anak ko si Simon ay nasa San Juan,” saad ng Pangulo.

Binuo ang Kadiwa ng Pasko project upang matulungan ang publiko na makahanap ng mapagbibilhan ng murang produkto.