Lacuna

Murder, homicide rate sa Maynila bumaba

Edd Reyes Mar 17, 2025
11 Views

BUMABA ng 44 porsiyento ang mga kasong murder at homicide sa Manila para sa Enero hanggang Pebrero, 2025, ayon kay Mayor Honey Lacuna.

Ayon sa mayor, malaking tulong ang napakaraming CCTVs sa buong Manila kaya bumaba ang antas ng krimen sa lungsod na mayroong mahigit 2 milyon.

Ibinatay ng alkalde ang kanyang pahayag sa opisyal na ulat ni Manila Police District (MPD) District Director P/BGen. Arnold Thomas Ibay.

“There were only six murders and two homicides for January and February combined compared to the 18 in the same months last year.

Thefts are even down to 58 reported incidents from 69 last year. Robberies are slightly down to 29 from 31,” pahayag ng alkalde.

“Hindi po ito propaganda, mga anak. These numbers are cold, hard facts. Ligtas manirahan, ligtas mag-aral at ligtas magtrabaho sa Manila.

Ito’y hindi lamang accomplishment ng Lacuna administration, kundi pati na ng barangay, national government at pambansang pulisya,” paliwanag ni Lacuna.

Idinagdag pa ng alkalde na hindi niya kinakaligtaang pagbilinan ang mga opisyal ng barangay na paalalahanan ang mga negosyante at mga residente na maging mapagmatyag laban sa mga kawatan dahil kahit pa nakapaglatag ang kapulisan ng hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan, ang kahirapan ng buhay ang nag-uudyok sa kanilang upang magnakaw.