Lea Lea Salonga

Musical na Here Lies Love tungkol sa buhay ni ex-FL Imelda Marcos may 4 Tony Awards nominasyon

Eugene Asis May 7, 2024
125 Views

BASE sa ilang bahagi ng buhay ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, ang musical na “Here Lies Love” ay nakakuha ng apat na nominasyon sa 2024 edition ng taunang Tony Awards.

Sinulat nina Fatboy Slim at singer-songwriter David Byrne (Talking Heads), ang naturang musical ay inspired ng isang video kung saan makikitang sumasayaw ang dating Unang Ginang kasama ang Saudi Arabian magnate na si Adnan Khashoggi.

Nominado ang naturang musical para sa Best Original Score (Music and/or Lyrics) Written for the Theater, at makakalaban ang iba pang musical na “Days of Wine and Roses,” “The Outsiders,” “Stereophonic,” at “Suffs.”

Nominado rin ito para sa Best Scenic Design of a Musical katunggali ang “Hell’s Kitchen,” “The Outsiders,” “Water for Elephants,” “Lempicka,” “Back to the Future: The Musical,” at “Cabaret at the Kit Kat Club.”

Napansin din ng Tony Awards 2024 committee ang “Here Lies Love” para sa Best Choreography and Best Sound.

Ang awarding ceremonies para sa Tony Awards ay gaganapin sa June 16 sa Lincoln Center sa Manhattan, New York.

Ang musical, kung saan mga Filipino ang karamihang performers, ay natapos ang Broadway run noong Nobyembre nung isang taon.

Isa sa producer ng naturang musical ay ang award-winning theater actress na si Lea Salonga na gumanap din bilang si Aurora Aquino mula July 11 hanggang August 13 noong isang taon. Pinalitan siya ni Vina Morales mula September 22 hanggang October 22. Kasama rin sa mga producer ang mga American artist na may dugong Pinoy na sina H.E.R at ang stand up comedian na si Jokoy.

Sa Broadway run nito sa New York, gumanap ang Hollywood Pinoy actor na si Jose Llana bilang dating Pangulong Ferdinand Marcos, habang si Arielle Jacobs bilang Imelda.

Si Conrad Ricamora ang gumanap bilang Ninoy Aquino.

Ang direktor ng “Here Lies Love” ay ang award-winning na si Alex Timbers, na ang iba pang Broadway credits ay kinabibilangan ng Moulin Rouge! The Musical Beetlejuice, at American Utopia.