Hataman

Muslim solon naghain ng panukalang batas para ipagpaliban ang barangay at sk elections ngayong taon at gawin na lang sa 2024

Mar Rodriguez Aug 10, 2022
151 Views

Hiling ni Hataman: Bgy, SK elections ipagpaliban

ISINULONG ng isang Mindanao congressman ang isang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban na muna ng pamahalaan ang pagsasagawa ng 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa halip ay gawing na lamang ito sa taong 2024.

Ikintuwiran ni Basilan Lone Dist. Rep. Mujiv Hataman na masyadong magastos ang pagsasagawa umano ng halalan sa panahon na nakararanas pa ng Pandemiya ang bansa dulot ng COVID-19.

Ipinaliwanag ni Hataman na higit na magastos ang pagdaraos ng eleksiyon sa panahon ng pandemiya kumpara sa isang pangkaraniwan at ordinaryong panahon. Sapagkat sa kasalukuyang sitwasyon maraming dapat isa-alang alang upang maiwasang kumalat ang COVID-19 virus.

Sinabi pa ng Muslim solon na ang bansa ay kasalukuyan paring sinasalanta ng nakamamatay na COVID-19 Pandemic at hindi pa naman talaga nakakabalik sa normal ang pamumuhay ng bawat mamamayan kaya dapat lamang na maging maingat ang pamahalaan.

Ayon kay Hataman, maging ang gobyerno ay hindi nakatitiyak kung ano ang magiging sitwasyon at kalagayan ng bansa ilang buwan mula ngayon. Partikular na sa darating na Disyembre kung saan nakatakdang isagawa ang Barangay at SK elections.

Inihalimbawa pa ng mambabatas ang nakalipas na 2022 national at local elections na naging magastos ang pagdaraos nito kaugnay sa preparasyon at aktuwal na botohan sa layuning maging ligtas ang lahat ng mamamayan na nagnanais bumoto.

Binigyang diin nito na mas makakabuti kung ilalaan na lamang ang pondong gagamitin para sa barangay at SK elections sa ibang bagay para makatipid ang gobyerno.

Sa ilalim ng House Bill No. 3384 na iinihain ni Hataman, nais nitong amiyendahan ang Republic Act (RA) No. 9164 para ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at SK elections sa Disyembre 5 at ituloy na lamang ang halalan sa ikalawang Lunes ng Mayo 2024.