MWP

MWP kulong dahil ssa shabu

Edd Reyes Jan 29, 2025
20 Views

SA selda na naisilbi ng pulisya ang warrant of arrest sa “most wanted” na kelot na sangkot sa ilegal na droga matapos muling madakip sa pag-iingat ng shabu sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, sariwa pa ang kinakaharap na kaso ng akusadong si alyas “Fernando”, 44, na paglabag sa Section 11 o pag-iingat ng ilegal na droga sa ilalim ng R.A. 9165 nang muling maaresto Martes ng gabi ng mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station-4 dahil sa kahalintulad na usapin.

Napagalaman na nito lamang Enero 14, 2025, inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Primo Rodrigo F. Pascua, Jr. ng Branch 122 ang warrant of arrest laban kay Fernando dahil sa paglabag sa Article II ng R.A. 9165 na may inilaang piyansang P200,000,00.

Dakong alas-8:10 ng gabi nang isilbi ng mga tauhan ng Police Sub-Station 4 ang warrant of arrest laban kay Fernando sa loob ng custodial facility ng naturang police sub-station.

Hihintayin na lamang ng pulisya ang ilalabas na kautusan ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail habang inihahanda pa ang isa pang kakaharapin niyang kaso kaugnay din sa ilegal na droga.