Calendar
MWP na suspek sa gahasa arestado sa pinagtataguan
PINASOK ng mga pulis ang isa sa mga wanted person sa hilagang bahagi ng Metro Manila na nahaharap sa kasong rape sa kanyang pinagtataguang lugar sa Brgy. Dampalit Biyernes ng hapon sa Malabon City.
Nagulantang pa si alyas “Totoy”, nasa hustong edad, nang bumungad sa pintuan ng kanyang tinutuluyang bahay sa No. 6 Don Basilio Bautista Blvd., Brgy Dampalit ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan , katuwang ang Northern Police District- District Special Operations Unit (NPD-DSOU) dakong ala-2:50 ng hapon habang siya ay nagpapahinga.
Ayon kay NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, inaresto ng kanyang mga tauhan si alyas “Totoy” sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Branch 291 na may petsang Nobyembre 5, 2024 bunga ng matibay na ebidensiyang iprinisinta ng Tagausig kaugnay sa reklamong panggagahasa na inihain laban sa kanya ng biktima.
Walang piyansang iniremenda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ni alyas “Totoy” na ngayon ay pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Malabon Police Station habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Malabon City Jail.