Calendar
Na-carnap na pick up nabawi, nangarnap tiklo
LUNGSOD NG CABANATUAN–Naaresto ng mga miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Nueva Ecija ang pinaghihinalaang carnapper at nabawi rin ang umano’y kinarnap na Toyota Hilux pick-up truck sa San Jose City sa Rizal noong Sabado.
Sa ulat kay Col. Joel Mendoza, hepe ng RHPU-3, kinilala ni Major Adrian Angelo Del Rosario, team leader ng NE-HPG, inilarawan ang naarestong suspek na 38-anyos na taga-Brgy. San Juan, San Jose, Nueva Ecija.
Base sa imbestigasyon, ninakaw ang Toyota Hilux (NAX 7969) habang nakaparada sa harap ng barangay hall sa San Juan, San Jose City bandang alas-10:45 ng umaga.
Narekober ng joint team ang sasakyang inabandona sa gilid ng kalsada sa Brgy. Poblacion Sur, Rizal, Nueva Ecija.
Kasunod nito, bandang alas-3:00 ng hapon nagsagawa ng follow-up operation ang mga operating unit na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa Brgy. Cambitala, Pantabangan, Nueva Ecija.
Nasa kustodiya ng PHPT-Nueva Ecija ang narekober na Toyota Hilux at ang naarestong suspek para sa dokumentasyon at pagproseso.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) na isasampa sa suspek.

