Hostage

Na-depress, nanaksak, nang-hostage, nakorner

Bernard Galang Aug 13, 2025
278 Views

Hostage1ISANG lalaki na umano ay depressed ay nasukol matapos mang-hostage ng 16-anyos na lalaki noong Miyerkules at manaksak ng dalawang iba pa sa Baliwag Public Market sa Bgy. Poblacion, Baliwag City, Bulacan.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., Bulacan police, kinilala ang suspek na si alyas Dima, 46, mangingisda na naninirahan sa Bgy. Poblacion, Baliwag City, Bulacan.

Sa inisyal na ulat, sinadya ng suspek, armado ng kitchen knife, na saksakin ang biktimang si Lady Lyn, 25, ng Bgy. San Jose, Baliwag City, na naglalakad sa pasilyo ng palengke.

Nagawang manlaban ng biktima at nakatakas matapos magtamo ng bahagyang sugat sa ulo.

Pagkatapos ay sinaksak ng suspek ang security guard na si Benancio, 48, ng Candaba, Pampanga, bago i-hostage ang menor de edad na biktima.

Agad rumesponde sa lugar ang mga pulis sa pangunguna ni Lt. Ariel Modelo, at pagdating doon ay sinubukang makipag-ayos sa suspek para palayain ang biktima.

Tumanggi ang suspek at nang magkaroon ng pagkakataon na maabala ang suspek, kinuha ng isang pulis ang kutsilyo mula sa suspek upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa hostage.

Ang mga sugatang biktima ay dinala sa ospital para magamot habang ang suspek ay sasampahan ng kasong attempted homicide in relation to RA 7610 o hostage taking.