Calendar

Nabuking na nago-online game habang nagda-drive sinuspindi ang lisensiya
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga lumalabag sa kaligtasan sa kalsada, pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng isang tsuper ng bus matapos itong makuhanan sa viral na video na naglalaro ng online game habang nagmamaneho.
Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua Jr., ipinatupad na ang 90-araw na preventive suspension laban sa tsuper ng Kersteen Joyce Transport bus matapos siyang padalhan ng show cause order.
“Malala na yata ang addiction ng driver na ito sa online gambling—umabot sa puntong isinapanganib niya ang kaligtasan ng mga pasahero. Hindi natin ito palalampasin,” ani Pua.
Sa kuha ng isa sa mga pasahero, kitang-kita sa video na naglalaro ang tsuper ng online gambling habang tumatakbo ang bus sa rutang Silang-Dasma.
Kasong kinakaharap ng driver:
Reckless Driving (Seksyon 48 ng R.A. 4136)
Anti-Distracted Driving Act (Seksyon 4 ng R.A. 10913)
Hindi Karapat-dapat na Magmaneho ng Sasakyan (Seksyon 27[a] ng R.A. 4136)
Pati ang bus company ay inatasang magpaliwanag kung bakit nila pinayagan ang isang delikadong tsuper na magmaneho. Ang mismong bus ay isinailalim na rin sa alarm status.
Nakasaad sa kautusan na ang hindi pagdalo at pagsusumite ng nakasulat na paliwanag ay ituturing na pag-waive sa karapatang marinig, at ang desisyon ay ibabatay sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.