Dalipe

Nagbabanta sa mga miyembro haharapin ng Kamara—Dalipe

Mar Rodriguez Oct 19, 2023
159 Views

HAHARAPIN umano ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang sinumang nagbabanta o nananakot sa alinmang miyembro nito, ayon kay House Majority Leader Jose Manuel Dalipe.

Sa isang panayam, natanong si Dalipe kung susuportahan ng Kamara si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na determinadong magsampa ng kasong grave threats laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“I think the House will be united to stop all of these statements that are not really needed to be issued by any person,” ani Dalipe.

“We do not want that anybody would just issue a death threat to any senator or to any congressman, or even to the president of the Philippines, vice president of the Philippines. Hindi po puwede,” sabi pa nito.

Sinabi ni Dalipe na ang pananakot sa mga miyembro ng Kongreso ay katulad din ng isang bomb hoax sa airport na ipinagbabawal ng batas.

“Parang pumupunta ka sa airport tapos sasabihin mo may dala-dala kang bomba na it’s just a joke, so the House takes that threat seriously,” wika pa nito.

Pinagbantaan umano ni dating Pangulong Duterte si Castro sa isang panayam sa telebisyon sa Davao City.

Si Castro ay tutol sa paglalagay ng confidential fund sa Office of the Vice President (P500 milyon) at Department of Education (P150 milyon)na kapwa pinamumunuan ng anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte.

Kamakailan ay nagdesisyon ang Kamara na ilipat ang confidential funds ng DepEd, OVP, at ilan pang ahensya sa mga security agency na may kinalaman sa pagbibigay ng seguridad sa bansa lalo at mayroong tensyon sa West Philippine Sea.

Dinagdagan din ng Kamara ang pondo para sa Pag-asa island upang malinang ang lugar at mapalakas ang presensya ng mga Pilipino roon.

Matapos ito ay lumabas si dating Pangulong Duterte sa telebisyon at tinuligsa ang Kamara at si Castro na miyembro ng Makabayan bloc.

Ikinalungkot ni Dalipe ang pahayag ni Duterte laban sa Kamara na nagbigay umano ng suporta sa administrasyon nito.

“Marami sa amin ngayon sa 19th Congress, nanilbihan din noong 18th Congress, noong pangulo pa si President Duterte. At alam niya ang ginawa namin, sinuportahan namin siya lahat todo-todo sa lahat ng mga kailangan niya sa legislative agenda niya at noong panahon ng COVID, sinuportahan siya ng Kongreso at nagtataka kami, bakit ngayon, iba na yung tingin niya sa aming mga kongresista,” sabi ni Dalipe.

“Hindi namin siya iniwan, tiniyak namin na may sapat na budget ang Duterte adminsitration noon, noong panahon ng COVID para meron siyang pondo para mamigay ng ayuda, yung mga kailangan sa kalusugan noong panahon ng COVID, lahat sinuportahan namin siya. Kaya lang medyo nakakalungkot nga kami bakit ganito na yung mga statement niya ngayon,” dagdag pa nito.