Gulay vendor GULAY VENDOR TIKLO SA P150K SHABU SA GAPAN. Nasa larawan ang mugshot ng biyudang suspek na natimbog matapos mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng halos P150,000 sa ikinasang buybust sa Bgy. Bayanihan nitong Lunes ng gabi sa Gapan city. KUHANG LARAWAN NI STEVE A. GOSUICO SA FB-NEPPO.

Nagbebenta ng gulay huli sa pabenta ng shabu

Steve A. Gosuico Sep 25, 2024
101 Views

GAPAN CITY — Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang isang babaeng umano’y tulak ng droga at nagpapanggap na vendor ng gulay sa isinagawang operasyon na humantong sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang P150,000 halaga ng shabu noong Lunes ng gabi dito.

Sa ulat sa Nueva Ecija top cop Col. Ferdinand D. Germino, kinilala ni city police head Lt. Col. Wilmar M. Binag ang naarestong babae na isang alyas Sose, biyuda, elementary graduate, vegetable vendor, ng Bgy. San Miguel, Santo Tomas City, Batangas.

Na-timbog ang suspek nang ibenta sa undercover na operatiba ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P500 sa ikinasang operasyon sa Bgy. Bayanihan bandang 9:20 p.m.

Sa isinagawang inspeksyon, nasamsam rin mula sa kaniya ang dalawang karagdagang plastic sachet na may lamang shabu at tumitimbang ng 22 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P149,600.

Ang operasyon ay isinagawa laban sa suspek kasunod ng mga ulat na nagpapanggap umano siya bilang isang tindera ng gulay at ginagamit ito bilang kanyang legal front sa pagbebenta ng droga.

“Ang operasyong ito ay sumasalamin sa hindi natitinag na pangako ng ating mga tauhan na linisin ang ating mga lansangan mula sa iligal na droga at hulihin ang mga umiiwas sa batas,” ani Germino.

Dagdag ni Germino, naaayon aniya ito sa mahigpit na direktiba ni Police Regional Office 3 director Brig.Gen. Jose S. Hidalgo Jr. na manatiling masigasig sa pagpapanatili ng matahimik at mas ligtas na komunidad sa buong Central Luzon sa pamamagitan ng pagpuksa sa ilegal na droga.