BDO Nagtipon-tipon sa city hall ng Parañaque ang mga kinatawan mula sa sektor ng pangisdaan ng lungsod, BSP, BDO Foundation, at iba pang mga stakeholder upang saksihan ang paglulunsad ng programang pang-edukasyong pinansyal ng mga katuwang na organisasyon.

Nagkaisa ang BSP, Pamahalaang Lungsod ng Parañaque, at BDO Foundation para sa programang pang-edukasyong pinansyal

55 Views

BDO1BAGO pa sumikat ang araw, gumigising si Jose Cabanza Jr. ng Barangay La Huerta sa Parañaque upang ihanda ang kanyang mga kagamitan sa pangingisda bago pumalaot sa Manila Bay pagsapit ng umaga upang manghuli ng isda para sa araw na iyon. Ngunit para sa mga mangingisdang tulad ni Jose, hindi araw-araw ay maganda ang kita. “Pabago-bago po [ang kita] katulad ngayon, medyo may sama ng tubig, namamatay ang ibang tahong,” aniya.

Si Jose ay isa lamang sa mga target na benepisyaryo ng programang pang-edukasyong pinansyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Pamahalaang Lungsod ng Parañaque, at BDO Foundation.

Isinusulong ng City Agricultural, Fisheries, and Aquatic Services Office ng Parañaque, layunin ng inisyatibang ito na mabigyan ang mga mangingisda ng kaalaman at mga kasangkapan upang mas mahusay nilang mapamahalaan ang kanilang pananalapi sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng sektor.

“Kailangan nila ng teknikal na kaalaman upang mapabuti ang kanilang buhay,” sabi ni Amie Hernandez, OIC ng Parañaque City Agri Office. “Ang partnership na ito ay nagpapatibay sa layuning iyon. At balang araw, magiging mas handa ang ating mga kababayan sa pamamahala ng kanilang kakayahang pinansyal o ng kanilang mga yaman.”

Kamakailan ay inilunsad ang programang pang-edukasyong pinansyal sa isang seremonyang ginanap sa city hall ng Parañaque. Dumalo rito ang mga lider ng mga kooperatiba ng mangingisda sa lungsod, mahahalagang stakeholder mula sa iba’t ibang sektor, at mga kinatawan mula sa BSP at BDO Foundation. Naroon din sina Mayor Edwin Olivarez ng Parañaque at District 1 Representative Eric Olivarez.

Sa kanyang mensahe ng suporta, ibinahagi ni BDO Foundation president Mario Deriquito ang “3 Ps” na sumasalamin sa layunin ng programang pang-edukasyong pinansyal—partnership, practical knowledge, at preparedness. “Kung marunong po ang mga tao na mamahala sa kanilang kinikita, nagiging matatag po sila,” ani Deriquito.

Pinuri rin ng BSP ang nasabing partnership dahil sinusuportahan nito ang whole-of-society approach ng ahensya sa financial education. “Ipinapakita ng kolaborasyong ito kung ano ang posible kapag nagtutulungan ang pampubliko at pribadong sektor, tulad ng BDO Foundation, para sa ikabubuti ng ating mga komunidad,” sabi ni BSP Economic and Financial Learning Office director Marianne Santos.

Umaasa rin ang iba pang mga benepisyaryo sa magiging pakinabang ng programa. “Nag-iipon po kasi talaga kami mag-asawa pero sabi ko parang mas maganda may matututunan pa. Gusto ko po matutunan yung proper na pag-iipon sa bangko,” sabi ni Mary Jane Gutierrez, isang tindera sa Bulungan Seafood Market ng Parañaque.