Zhang Mier

Nagpatakas kay Guo, kasama bubusisiin ng Senado

121 Views

DETERMINADO ang Senado na bubusisiin kung sino ang mga nasa likod ng pagpapapuslit kina Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, mga kapatid at mga magulang, gayundin kay Katherine Cassandra Li Ong na isa sa mga incorporators at boss sa Lucky South 99.

Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang NBI ang magdadala sa kapatid ni Guo na si Sheila Guo at sa Lucky South 99 incorporator na si Cassy Li Ong sa darating Agosto 27 sa pagdining sa Senado.

Nais malaman ng mga senador kung sino ang mga kasabwat at sinasabing mga nasa likod ng pagpapatakas sa mga sangkot sa anomalya.

“Hindi namin palalagpasin ang pamamahiya na ito. Parang alam na ito ng mga awtoridad ngunit itinago.

Kung dapat na-inform nila tayo at ang public makapagtutulungan ang lahat. I’m suspicious. Tatamaan dito sigurado ang intel fund ng Bureau of Immigration at Philippine National Police,” ani Gatchalian.

Dumating sa bansa sina Sheila Guo at Cassandra Li Ong sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight PR540 alas-4:18 ng hapon noong Huwebes.

Ayon kay Gatchalian, ang Senado at ang House of Representatives parehong may imbitasyon sa dalawang personalidad ngunit ang NBI at BI ang siyang mangangalaga sa dalawa.

Ayon sa ulat, dinala muna si Guo at Li Ong sa immigration counter bilang unang proseso at sa BI para sa kanilang medical at inquest procedures.

Pagkatapos, dadalhin sila sa NBI headquarters para sa mga katanungan at debriefing at saka dadalhin ng mga nasabing ahensiya sa Senado sa Martes at sa House of Representative para dumalo sa mga nakatakdang pagdinig.

Naniniwala si Gatchalian na ang matapang na pahayag ng Pangulong Marcos Jr. ang naging daan kung bakit kumilos at tumulong ang ating mga kapitbahay tulad ng Indonesia.

“Dapat managot sila at hindi lang isang tao (Alice Guo) kundi lahat sila. With the pronouncement of President Marcos Jr. that heads will roll, our neighboring countries like Indonesia acted swiftly leading to the arrest of these two people,” ani Gatchalian.

Base sa ulat, si Guo Hua Ping o Alice Guo huling namataan na pumasok din ng Indonesia sakay ng cruise ship mula sa Singapore.

“Matitisod din si Guo Hua Ping. Malapit na,” ani Gatchalian na nagsabi rin na hindi nila papayagan ang deportasyon ng mga ito sa China dahil kailangan nilang managot sa ating batas ayon sa mga nagawa nilang kasalanan.

Sina Alice Guo at Cassy Ong nahaharap sa Senado at Kamara dahil sa mga criminal acts ng kanilang POGO tulad ng torturing, sexual abuse, money laundering, human trafficking, kidnapping, cyber scamming, cyber fraud at phishing, na ayon kay Gatchalian siguradong may tumutulong at mga nasa likod kung bakit malalakas ang loob ng mga ito.