DOTr Source: DOTr

NAIA inispeksyon para sa pagdagsa ng pasahero ngayong Semana Santa

Jun I Legaspi Mar 29, 2026
100 Views

NAG-inspeksyon si Transportation Secretary Banoy Lopez sa Terminals 1, 2 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo para tiyaking handa ang mga pasilidad nito sa inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.

Kasunod ito ng utos ng Pangulo na tiyaking ligtas at maginhawang makaka-biyahe ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya o magbabakasyon sa labas ng bansa ngayong Holy Week.

Kabilang sa mga ininspeksyon ni Secretary Lopez ang check-in counters, self-check in kiosks, general aviation one-stop shop, immigration e-gates, at mga waiting areas sa airport.

Naglagay din ng help desk ang Department of Transportation (DOTr) at New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang private operator ng NAIA, para maalalayan at mabilis matulungan ang mga nangangailangang pasahero.

Sa kanyang pag-iikot sa paliparan, kinamusta ni Secretary Lopez ang ilang mga pasherong nag-iintay ng kanilang mga flights.

“Taon-taon nating inaasahan ‘yung pagdami ng mga pasahero tuwing Semana Santa, kaya alam na natin ‘yung mga paghahandang dapat gawin. Ang lagi nating priority, tulad nga ng sinabi ng Pangulo, ay ang safety at convenience ng mga pasahero,” ayon kay Secretary Lopez.

Sa estimate ng NNIC, aabot sa 150,000 ang average daily passengers sa NAIA ngayong Holy Week, mas mataas kumpara sa 147,000 daily average noong 2025.

“Sa tingin natin ay magiging maayos ang Semana Santa ng mga pasahero nating dadaan sa NAIA. Given the improvements na nagawa ng NNIC over the past year, tiwala tayong maseserbisyuhan nang maayos ‘yung mga pasahero,” ani Secretary Lopez.

Kasamang nag-inspeksyon ng Kalihim sina NNIC Vice President Cecile Ang, NNIC General Manager Lito Alvarez at MIAA General Manager Eric Ines.