Suspek

Nakabaril sa bata, nahuli sa Navotas

Edd Reyes Feb 20, 2025
18 Views

NADAKIP ng mga pulis ang suspek na bumaril at malubhang nakasugat sa batang lalaki na nanggulpi sa kanyang anak sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, natunton ang suspek na si alyas Aljhun na tumakas matapos barilin ang batang lalaki noong Pebrero 12 sa Palengke Avenue, Market 3, Brgy. NBBN.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang bata na tumagos sa kanyang likod at hanggang ngayon nakaratay pa sa Tondo Medical Center.

Hinahanap pa ang dalawa pang kasama ng suspek na sina alyas JB at Albert na kasabwat ng suspek ng barilin ang bata.

Sa ulat, nagsumbong ang anak ng suspek na si alyas Jr. sa kanyang ama na ginulpi siya ng biktima kaya’t inangkas sa motorsiklo ni alyas Aljhun ang anak para ituro kung sino ang nambugbog.

Isinama rin ng suspek ang dalawang kasabwat na magka-angkas sa isa pang motorsiklo hanggang matukoy nila ang kinaroroonan ng biktima nang ituro ng anak ng suspek.