Villanueva

Nakatenggang gamot sa bodega ng DOH, nais paimbestigahan ni Villanueva

Mar Rodriguez Dec 13, 2024
51 Views

Villanueva1NAIS ipabusisi at paimbestigahan ni Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Rep. Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva sa kaukulang Komite sa Kamara de Representantes ang issue patungkol sa report ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa mga malapit ng ma-expire at nakatenggang mga gamot kasama na ang mga medical supplies na nakatambak lamang umano sa bodega ng Department of Health (DOH) mula 2021 hanggang 2023.

Isinulong ni Villanueva ang House Resolution No. 2127 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maimbestigahan sa lalong madaling panahon ang nakakabahalang ulat ng COA patungkol sa napakaraming gamot at medical supplies na nakatambak lamang sa bodega ng DOH sa halip na maipamigay para sa mga indigent patients o mga mahihirap na pasyente na nangangailangan nito.

Pagdidiin ni Bro. Eddie na ikinababahala din aniya nito ang bilyon-pisong pondo na nasasayang lamang bunsod ng kakulangan ng maayos na sistema at pamamahala na isang indikasyon ng pag-aaksaya ng pera na puwede sanang maggamit para tustusan ang basic public healthcare.

“Lubos na nakakabahala ang ulat na ito. Bilyon-bilyong pondo ang nasasayang dahil sa kakulangan sa maayos na sistema at pamamahala. Sa lagay natin na kulang ang pondo para lubusang tustusan ang basic public healthcare. Ang ganitong uri ng pag-aaksaya ay hindi katanggap-tanggap. It’s a moral failure,” wika ni Villanueva.

Ayon kay Villanueva, inihayag ng COA sa kanilang report na bilyon-pisong halaga ng medical supplies ang nakitang nasasayang lamang na nagkakahalaga ng P85 milyon noong 2021, P7.4 bilyon noong 2022 at P11.1 bilyon (2023). Kung saan, iniulat din ng COA na nabigo ang DOH na maglabas ng isang sistematikong procurement, inventory at distribution ng mga nasabing gamot at medical supplies.

Sabi pa ng kongresista na nais nitong alamin kung bakit ganoon karami ang gamot na naaksaya at nakatengga lamang sa mga warehouse ng DOH gayong mayroong malaking budget ang inilaan para sa pagbili ng mga naturang gamot.

“Gusto natin alamin kung bakit ganoon karaming gamot ang naaaksaya at nakatengga lamang sa DOH warehouse. Lalo na at may mga malaking budget sa pagbili ng gamot ang inilaan sa taong 2025. Dapat natin itong busisiin,” sabi ni Villanueva.