Enforcer

Nanagasa ng traffic enforcer, forever na ‘di walang lisensya

Jun I Legaspi Aug 26, 2025
470 Views

HABAMBUHAY nang hindi makakapag-maneho ang abogada na nanagasa sa traffic enforcer sa Kawit, Cavite matapos iutos ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang perpetual revocation ng lisensya nito.

“‘Pag kayo ay hindi sumunod sa batas, kayang-kayang tanggalin ng gobyerno, ng LTO, ang lisensya n’yo.

Either temporarily, or in the case ng mga grabeng violators, forever o habambuhay kayong hindi makaka-maneho, makakasuhan pa kayo,” sabi ni Secretary Dizon noong Martes.

“Nagyayabang pa itong (driver) na kesyo abogado sya. Kung abogado ka, mananagasa ka ba ng enforcer? Okay, since abogado ka, harapin mo itong mga paratang sa ‘yo,” hamon ni Sec. Dizon.

Ayon sa traffic enforcer na si Michael Trajico, ginawa lamang niya ang kanyang trabaho kaya natakot sya nang sagasaan sya ng driver at halos 15 minuto siyang nakasampa sa hood ng sasakyan.

Pinayuhan ni Secretary Dizon ang enforcer na kasuhan ang abogadang sumasagasa sa kanya.

“Michael, nasa likod mo kami. ‘Wag ka matakot sampahan mo ng kaso ‘yan. ‘Wag ka matakot porke abogado,” pahayag ng kalihim.

Samantala, inihayag din ni Secretary Dizon ang planong pagsasapubliko sa mga pangalan ng mga abusadong driver, lalo na ang mga matindi ang paglabag sa batas trapiko.