Russian

Nangharass sa BGC na Russian vlogger inaresto, kinulong

Jun I Legaspi Apr 3, 2025
26 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang Russian vlogger na nag-viral sa social media matapos mang-harass ng mga Pilipino sa Bonifacio Global City (BGC).

Kinumpirma ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. ang pagkakaaresto kay Vitaly Zdorovetskiy, 33, na idineklara bilang undesirable foreign national dahil sa kontrobersyal na mga video.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at pagpapanatili ng kaayusan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na pangalagaan ang karapatan at dignidad ng mga Pilipino.

“Tinatanggap ng Pilipinas ang mga bisita mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ngunit kailangang igalang nila ang ating kultura at batas.

Walang puwang sa ating lipunan ang pangha-harass at pagiging sagabal sa kaayusan. Mabilis nating aaksyunan ang ganitong mga paglabag,” sabi ng BI commissioner.

Maraming netizens sa social media ang nagalit sa mga video ni Vitaly kung saan makikitang binabastos at ginugulo niya ang ilang Pilipino habang nagfi-film sa BGC.

Ang kanyang pagkakaaresto isinagawa sa tulong ng PNP Makati at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ayon sa ulat, isang security guard sa BGC ang nagpa-blotter sa Southern Police District dahil sa harassment.

Dahil dito, agad na kumilos ang CIDG at nakipag-ugnayan sa BI intelligence operatives upang maaresto ang Russian batay sa mission order na inilabas ni Viado.

Sa kasalukuyan, nakadetine na si Vitaly sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig habang hinihintay ang deportation proceedings laban sa kanya.

“May mga batas tayo upang protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino. Magsilbing babala ito sa lahat. Bagama’t bukas ang ating bansa sa mga bisita, hindi natin palalagpasin ang kawalan ng respeto sa ating mamamayan at sa ating mga batas,” ayon kay Viado.