Calendar
Nangnenok ng motor naaresto
ARESTADO ang dalawang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Caloocan City noong Linggo.
Sa inilabas na ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, inireklamo ng 34-anyos na babae ang pagtangay ng mga suspek sa kanyang NMax na motorsiklo habang nakaparada sa Mabini St. Brgy. 13 noong Linggo ng hapon.
Nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya matapos ibigay ng biktima ang kaanyuan ng mga suspek hanggang sa maispatan ang mga ito na magka-angkas sa tinangay na motorsiklo sa Baltazar St., Brgy. 69 dakong alas-10:30 ng gabi.
Nang sisitahin ng mga tauhan ng Police Sub-Station 3 ang dalawa, bumunot ng baril ang naka-angkas at binaril ang papalapit na mga pulis na masuwerteng hindi nasapol.
Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek na si alyas Armir, 28, sa tiyan at kanang binti habang nagtatakbo namang tumakas ang kanyang kasabuwat na si alyas Brazil, 27, na kalaunan ay nadakip din.
Nabawi ng mga pulis ang tinangay na motorsiklo.

