Calendar
Nangunguna sa survey pero Mayor Sara todo kampanya
KAHIT nangunguna sa mga survey, ipagpapatuloy pa rin ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte ang pangangampanya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay House Majority Leader at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, itotodo ni Duterte ang pangangampanya sa nalalabing dalawang buwan hanggang May 9 elections.
Si Romualdez ang isa sa dalawang campaign manager ni Duterte at pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats na siyang partido ng alkalde ng Davao City.
Sinabi ni Romualdez na nais ni Duterte na mas maipakilala pa ang kanyang sarili at mailahad ang kanyang plataporma sa publiko.
Ang nakuha umanong 56.63% voter preference ni Duterte sa Manila Bulletin-Tangere survey ay isang patunay na pinagkakatiwalaan ito ng nakararaming Pilipino.
“This is a manifestation of the voters’ support for Mayor Duterte, their validation of her skills, competence and expertise in leading the country as next vice president,” dagdag pa ni Romualdez.
Nanguna rin sa nabanggit na survey ang ka-tandem ni Duterte na si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakakuha ng 48.75 porsyento mahigit doble ng nakuha ng pumapangalawang si Manila Mayor Isko Moreno.