DOST

Naninirahan sa mababang parte ng Manila pinalikas ni Mayor Honey

Edd Reyes Nov 16, 2024
109 Views

INUTOS ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paglikas ng mga naninirahan sa mga mapanganib at mababang lugar dahil sa banta ng bagyong Pepito

Ang mga pamilyang naninirahan sa mga mapanganib na lugar tulad ng baybaying dagat ng Baseco, sa Parola 1 at 3, at mga naninirahan sa mga Barangay 101, 105, 128 at 598 inaatasang lisanin pansamantala ang kanilang lugar at magtungo sa pinakamalapit na evacuation center.

Kabilang sa mga paaralan na gagamiting pansamantalang tuluyan ang Benigno Aquino High School, Corazon Aquino High School, Herminigildo J. Atienza Elementary School, Rosauro Almario Elementary School, Pedro Guevarra Elementary School at ang Delpan Evacuation Center.

Ang mga may-ari at kontraktor ng mga billboards inaatasan ding baklasin muna ang kanilang naka-display sa labas na patalastas upang maging ligtas ang publiko.

Suspendido sa Linggo ang klase, kabilang na ang National Service Training Program (NSTP) at graduate school sessions, sa mga pribado at pampublikong paaralan.

“With PAGASA raising Storm Signal No. 2 in Manila, all classes at all levels scheduled to start from 4:00 p.m. onwards this Saturday, including night classes tonight and all classes tomorrow, are also canceled,” paglilinaw ni Mayor Lacuna.

Ang Move Manila tuwing Linggo sa Roxas Boulevard kinansela na rin ng alkalde kasabay ng pagpapaalala sa mga Manilenyo na mag-ingat.