Koreano

Nanlokong Koreano arestado sa BI

Jun I Legaspi Feb 28, 2026
129 Views

İNARESTO ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) noong Pebrero 18 ang isang Koreano na wanted dahil sa malakihang kaso ng panloloko.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang naaresto na si Jun Hwanhwi, 45, na naaresto sa Sapphire St., Ortigas Center, Pasig City.

Ang pag-aresto sa suspek ay alinsunod sa warrant of deportation na inilabas noong 2021 matapos ideklarang undesirable alien ang suspek dahil sa panganib na dulot niya sa kaligtasan at seguridad ng publiko.

Naglabas din ang Interpol ng Red Notice laban sa pugante matapos magpalabas ng arrest warrant ang Gwangju District Court kaugnay ng kasong pandaraya sa ilalim ng Act on the Aggravated Punishment of Specific Economic Crimes ng South Korea.

Batay sa pamahalaan ng South Korea, si Hwanhwi ay umano’y nagsagawa ng malakihang investment scam noong 2018.

Una niyang napaniwala ang isang biktima na mag-invest sa bonds, kung saan nakapandaya siya ng humigit-kumulang KRW 500 milyon sa dalawang transaksyon.

Nakumbinsi niya ang parehong biktima na makipagbili ng stocks para madagdagan pa ng KRW 200 milyon ang kanyang panloloko.

Sa mga sumunod na buwan, nakakuha pa siya ng KRW 268 milyon sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbibigay ng maling dahilan na kailangan ng agarang pondo para sa gamutan ng kapatid.

Umabot sa higit KRW 900 milyon ang kabuuang nalugi sa biktima.

“Ang mga dayuhan na sangkot sa malakihang financial fraud at nagtatangkang umiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pagtatago sa Pilipinas ay aming hahanapin, aarestuhin at ipapadeport,” babala ni Viado.