Calendar
Nartatez pinuri mga pulis Paranaque sa pagtiklo sa killers ng asset
PINURI ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang Paranaque City Police sa mabilis na paglutas sa kaso ng pagpatay sa police asset noong Huwebes sa Paranaque City.
Kasama ng biktimang si Rey Florentino, alyas Gobring, 39, ang kanyang mga kaibigan na kumakain sa karinderya sa Brgy. Don Bosco pasado alas-8 ng umaga nang huminto ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaking kahina-hinala ang kilos.
Nakatunog ang biktima nang bumaba ang isa na may baril kaya’t tumakas subalit hinabol siya ng suspek at nang makorner pinagbabaril na dahilan ng agaran niyang kamatayan.
Bumuo ng trackers team na tutugis sa mga suspek matapos makakalap ng mga testigo kaya’t sa loob lamang ng tatlong oras nadakip ang dalawa sa Sitio Fatima, Blk 1, Kawayanan, Brgy. Don Bosco, Paranaque.
Nakuha sa mga suspek na sina Aaron Umpad, 41, at Brix Acebuche, 23, ang kalibre .45 na baril, apat na bala, isang punyal at isang balisong, mga basyo ng bala, picklock at 32-pulgadang samurai.
“The swift and dedicated action of our operatives in apprehending the suspects demonstrates our unwavering commitment to maintaining peace and security in our community,” sabi ni Nartatez.
Isinailalim na sa inquest sa piskalya ng Paranaque City ang dalawang suspek para sa pagsasampa ng mga kasong murder, paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon).