Dy

Nasa kamay ni Pangulong Marcos kung bubuwagin ang NTF-ELCAC

110 Views

NASA kamay umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung bubuwagin nito ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ang sinabi nina Isabela Rep. Faustino “Inno” Dy V, Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre sa isang press conference sa Kamara de Representantes kaugnay ng naging desisyon ng Korte Suprema laban sa red tagging.

“I trust the decision of the President, also the Executive, in regard to the abolishment or not of the NTF-ELCAC … We leave it up to the Executive to decide kung papano po or how do they go about with proceeding with the NTF-ELCAC program,” ani Dy.

Sinabi naman ni Dionisio na ang desisyon ng Korte Suprema ay isang paalala sa mga ahensya ng gobyerno, gaya ng NTF-ELCAC na gawin ang kanilang mandato ng hindi inaapakan ang karapatan ng mga mamamayan.

“Of course, it’s the President’s decision kung anong magiging hakbang niya tungo dito. In doing so, sa lahat ng ginagawa ng every agency, ay dapat lang naman maalala na wala tayong dapat matapakan na karapatan ng bawat mamamayang Pilipino in doing the job na kailangang gawin ng NTF-ELCAC,” sabi ni Dionisio.

Nabuhay ang panawagan na buwagin ang NTF-ELCAC matapos na lumabas ang desisyon ng SC. Ang NTF-ELCAC ay sinasabing notoryus sa red-tagging na naglalagay sa panganib sa buhay ng maraming Pilipino na kritikal sa administrasyong Duterte.

Sinabi ni Acidre na maaaring tinitimbang ng Pangulo ang gagawin nitong aksyon.

“Duon naman sa pagbuwag ng NTF-ELCAC, I think the President is proceeding with more caution, the way I read it, Malacañang is proceeding with caution conscientiously with how to deal with the insurgency problem,” sabi ni Acidre.

“They have not definitely acted and given that this a policy decision of the Executive. Ang Congress naman will surely support whatever will benefit, whatever would produce the results na kailangan para mas maging manatili iyong pang matagalang pangkapayapaan at matapos na ang insurgency sa ating bansa,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ng tatlong kongresista na mayroong naitulong ang NTF-ELCAC upang labanan ang insurgency at lokal na terorismo sa bansa.

Mayroon din umano itong mga proyekto na nakakatulong sa mga malalayong barangay.

“Sa amin po nagkaroon kami ng problema sa ganito, Isabela marami po kaming armed conflict dati. Definitely nabawasan na po ito, kumonti na, but it still exists in certain parts of the country. So iyon po completely ang gusto nating mawala and there have been successes with the NTF-ELCAC,” dagdag pa ni Dy.

Ayon kay Dionisio hindi maitatanggi ang kahalagahan ng papel ng NTF-ELCAC.

“There is really an important role that the NTF-ELCAC plays. But it’s just a balance. Hindi naman puwedeng alisin totally pero dapat maproteksiyunan lang iyong mga rights ng ating kababayan,” wika pa ni Dionisio.

Ipinunto rin ni Acidre na dapat protektahan ng estado ang mga residente nito at ito ang ginagawa ng NTF-ELCAC.

“There are reasons na minsan ang red-tagging really results in a threat to the security of certain person, but it has also to be balanced sa tungkulin din ng estado na siguraduhin ang kapakanan ng mas nakakarami,” saad pa ni Acidre.