Allan

Nasa tamang direksiyon si BOC Commissioner Nepomuceno

58 Views

DITO natin nakita ang bagong Customs Chief na si Commissioner Ariel Nepomuceno na kumikilos na may tamang direksiyon para sa ikakaayos ng aduanang palasak sa katiwalian.

Ang first order of the day niya na lusawin ang conflict of interest na matagal naging kultura sa BOC ay isang magandang panimula.

Saan ka naman nakakita na taga-BOC na may sariling brokerage business? Kaya maraming isyu dyan ng katiwalian dahil ang ginagawa ng ilang tiwali sa BOC, ginigipit ang mga importer kapag hindi sa kanila o sa kamag-anak nila ipinaayos ang shipping at mga documentation.

Kaya nga iyong direktiba ni Commissioner Nepomuceno na kailangang magdeklara ang lahat ng mga taga-BOC na may ganitong negosyo mula sa kanila bilang kawani, mga kamag-anak nila, mga bayaw, hipag at kung sinu-sino pang kamag-anak ay isang welcome development para sa ating lahat.

Ito na talaga ang ultimate transparency sa mga salbahe dyan sa BOC.

Ang balita natin, marami pang pagbabagong magaganap sa BOC dahil ibang mag-isip itong si Commissioner Nepomuceno. Panalo ang bayan dito kay komisyuner dahil sa totoong buhay, ito na ang isa sa pinakamatinong kawani ng pamahalaan na nakita natin mula pa noon hanggang ngayon.

***

Bawal lumabas ang mga kriminal!

Ayaw mo sana talaga ng bitay sa mga kriminal dahil nga Kristiyanong bansa tayo.

Pero kapag mababalitaan mo iyong hoholdapin ang TNVS driver at papatayin pa bago itatapon kung saan hanggang uurin ang katawan, mapapaisip ka rin kung minsan kung anong klaseng Kristiyano ang mga ganitong tao.

Napakaraming krimen ang nangyayari at hindi ito maganda para sa ating bansa. Naniniwala naman tayo sa liderato ni Chief PNP Nicolas Torre at nakikita naman natin ang kanyang sinsiridad na linisin ang ating mga kalsada laban sa mga kriminal.

Ang illegal drugs kahit aminin man natin o hindi nagbalik na silang lahat with a vengeance. Malungkot na balita ito para sa pamilyang nabiktima ng mga drug addict na pakalat-kalat sa ating lansangan.

Kung hindi gagamitan ng kamay na bakal para puksain ang mga kriminal, patuloy silang manganganak at dadami pa nang dadami para maminsala ng mga nanahimik nating mga kababayan.

Dapat may malinaw na mensahe ang ating pamahalaan, ang kalsada ay para lamang sa mga matitinong tao. Kapag kriminal ka, dapat hindi na nakakalabas ng bahay! Or dapat nakakulong ka sa selda!

General, dapat bawal lumabas ang mga kriminal!

allanpunglo@gmail.com