Calendar

Nasa tamang direksyon kami–LTO chief
NASA tamang direksyon ang Land Transportation Office (LTO) sa pagtupad sa itinakdang revenue collection target para sa 2025 matapos makalikom ng mahigit P8.3 bilyon sa unang tatlong buwan ng taon.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mataas na koleksyon ng kita resulta ng mahusay na pagpapatupad ng mga estratehikong polisiya, pagpapabilis ng transaksyon at agresibong pagpapatupad ng mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.
Itinakda ng LTO ang P34 bilyon bilang revenue target para sa 2025 at pagsapit ng March 31, umabot na sa P8,373,775,537 ang nakolekta ng ahensya.
Binigyang-diin ni Asec. Mendoza ang kahalagahan ng episyenteng revenue collection dahil ang pondong ito hindi lamang para sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo ng LTO, kundi pati na rin sa iba’t-ibang programa at proyekto ng gobyerno na magpapakinabang sa mamamayang Pilipino, lalo na ang mga nangangailangan.
Pinuri rin ni Asec. Mendoza ang sipag at dedikasyon ng mga kawani ng LTO sa nakalipas na tatlong buwan na naging susi sa mahusay na revenue collection.
Ngunit higit pa sa pagpapahusay ng serbisyo, tinututukan din ng liderato ni Asec. Mendoza ang kapakanan at seguridad sa trabaho ng mga empleyado ng LTO.
Ilan sa mga empleyado ng LTO na matagal nang nasa job order status nabigyan na ng regular na posisyon, at patuloy na nakikipag-ugnayan si Asec. Mendoza sa DOTr sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon at sa Department of Budget and Management (DBM) upang ma-regularisa pa ang mas maraming kontraktwal na empleyado.