Edd Reyes

Nasaaan ang hustisya kung ang kaibigang may ginawang mali ay dapat ipagtanggol?

Edd Reyes Aug 28, 2024
91 Views

UMANI ng samu’t saring reaksiyon ang aklat ni Vice President Sara Duterte na “Isang Kaibigan” na nais niyang maipalimbag at maipamahagi sa mga bata, gamit ang pondo ng pamahalaan.

Huwag na nating pagusapan kung tama ba o mali na gastusan ng P10 milyong pera ng taumbayan ang pagpapalimbag ng aklat ni VP Sara dahil tinatalakay na rin naman ito sa dalawang kapulungan ng Kongreso kaya ang pag-usapan na lang natin ay ang nilalaman ng aklat at ang aral na idudulot nito sa kaisipan ng mga bata.

Kahit naman siguro hindi na natin basahin ng buo ang nilalaman ng aklat, sa titulo pa lang ay alam na natin na tinatalakay dito ang pagkakaibigan kaya hindi na nakapagtataka kung ipagtanggol man ni VP Sara at kanyang ama, bilang kanilang tunay na kaibigan, si Pastor Apollo Quibuloy na ngayon ay nahaharap sa mabibigat na kaso sa hukuman.

Nang maglabas ng kanyang opisyal na pahayag ang dating Pangulong Digong Duterte kaugnay sa naganap na pagsalakay ng kapulisan sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Quibuloy, marami ang nagtaas lang ng kilay dahil para raw hindi akma sa dating pangulo ang magbigay ng ganitong pahayag.

Nakasaad kasi sa naturang pahayag na dumaranas daw ngayon ng kalunos-lunos ang estado, tinatapakan na ang karapatang pantao at tinutuya ang umiiral na batas kaya nanawagan siya sa mga nalalabi pa raw disente at makabayang miyembro ng pamahalaan na huwag magpagamit, umabuso, at maging marahas sa pagsunod sa ilegal na kautusan.

Kaya siguro nang mabasa ito ng isa ring Pastor na si Manila 6th District Congressman Bienvenido Abante na siya ring Chairman ng House Committee on Justice and Human Rights, hindi niya napigil ang sarili na batikusin ang dating Pangulo.

Mukhang gigil si Cong. Abante sa statement ni Tatay Digong dahil nga sa hayagan niyang pagtatanggol sa kaibigang si Quibuloy at tagasunod nito na nalabag daw ang kanilang karapatang pantao.

Sabi ni Abante, kung noon sana na nasa kapangyarihan pa si Tatay Digong ay pinagsabihan na niya ang puwersa ng kapulisan na igalang ang karapatang pantao sa kanilang inilunsad na “war on drugs”, hindi na sana sila nag-iimbestiga ngayon kaugnay sa libo-libong nasawi sa extrajudicial killings at hindi na naabala pa ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa crimes against humanity.

Sabi pa nga ni Abante, ipinagkakaloob naman kay Quibuloy ang tamang proseso ng batas lalu’t mismong ang hukuman ang naglabas ng arrest warrant, hindi tulad noon na napapatay ng hindi man lang dumaan sa paglilitis sa hukuman ang mga biktima ng giyera laban sa ilegal na droga.

Marami tuloy ang nagtatanong kung ganyan ba talaga ang wastong pamamaraan ng pagiging isang tunay na kaibigan na kahit may nagawang mali ay dapat protektahan at ipagtanggol? Nasaan nga naman ang hustisya para sa mga naging biktima kapag ganyan ang ituturo sa pagiging isang tunay na kaibigan?

Mga bagong halal na opisyal ng CAMANAVA Press Corps

NAHALAL bilang mga bagong opisyal ng CAMANAVA Press Corps sa naganap na halalan sina Ismael “Ka Maeng” Santos ng Bulgar bilang Pangulo, Vick Aquino ng Abante bilang Pangalawang Pangulo, ang inyong lingkod bilang Secretary, Evelyn Garcia ng Pilipino Mirror, Treasurer, Jojo Rabulan ng Manila Standard, Auditor, Doris F. Borja ng Pilipino Star Ngayon, Chairman of the Board at mga Director na sina Richard Mesa ng People’s Balita, Edgar Rabulan ng Remate, James Paragas ng Remate Online, Jovy Lucero ng Agila ng Bayan, Roger Panizal ng Bagong Sagad at Freddie Ng ng Radyo Agila.

Hinalinhan ni Ka Maeng ang si Arlie Calalo ng Manila Times na nagpasiyang hindi na lumahok sa halalan na aniya ay upang bigyan ng pagkakataon ang ibang miyembro ng grupo na mamuno sa pinakamatagal at pinakamatatag na organisasyon ng mga mamamahayag sa Metro Manila.

Nagpasalamat din si Mr. Calalo sa mga mga opisyal at miyembro na tumulong at sumuporta sa kanya sa matagal na panahon niyang pamumuno kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga hindi nasiyahan sa paraan ng kanyang paglilingkod. Gayunman, tiniyak niya na nasa paligid lang siya maliban kung malipat na siya ng ibang beat. Ginanap ang halalan Martes ng umaga sa tanggapan ng Camanava Press Corps sa Monumento, Caloocan City.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].