Calendar

Natagpuong buto sa Taal ihahambing sa DNA ng kaanak ng missing sabungeros
SINABI ni Philippine National Police (PNP) chief General Nicolas D. Torre III nitong Lunes na ang ilang butong natagpuan ng mga diver ng Coast Guard sa Lawa ng Taal sa Batangas ay isasailalim sa pagsusuri at ihahambing sa DNA samples ng mga kamag-anak ng mga nawawalang ‘sabungero.’
“Pagdating sa cross-matching, kumuha na kami ng standards mula sa mga kamag-anak nila. Para sa iba pang detalye, DOJ na ang bahala. Subalit buong suporta kami sa pagproseso ng mga labi na narekober ng Coast Guard. Buong gobyerno na ang gumagalaw dito,” ani Gen. Torre.
Gayunpaman, sinabi ni Gen. Torre na hindi pa siya makapagbigay ng tiyak na oras kung kailan matatapos ang “napakateknikal na pagsusuri.”
Ayon pa sa hepe ng PNP, ang ilan sa mga labi na narekober ng Coast Guard ay naipasakamay na sa PNP Forensic Group mula sa Batangas. Inutusan rin niya ang mga tanggapan ng PNP-FG sa Region 4-A at Batangas na lumipat sa Lawa ng Taal upang tumulong sa pagproseso ng iba pang mga labi na maaaring makuha ng mga diver.
Inamin din ni Gen. Torre na ang mga labi na nakuha ay tila halo ng buto ng tao at hayop. “Alam niyo naman na farming area ang Taal. May narekober na buto ng hayop, may buto ng tao, kaya kasama sa proseso ang pagdi-differentiate,” aniya.
Dagdag pa ng PNP chief, patuloy nilang binibigyan ng sapat na seguridad si whistleblower Dondon Patidongan dahil mahalaga ang kanyang salaysay sa pagpapatibay ng mga kasong administratibo laban sa mga pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier Gen. Jean S. Fajardo, hanggang nitong Lunes ay may 12 pulis na konektado sa kaso ang nananatili sa kustodiya sa Camp Crame. Tatlo pa, kabilang ang isang lieutenant, ang natanggal na sa serbisyo dahil sa iba’t ibang kasong kriminal at administratibo.
Mula pa noong Biyernes, limang sako ng mga kahina-hinalang bagay ang naiturn-over ng mga diver ng Coast Guard para sa forensic examination. Isinasagawa ang paghahanap kasabay ng pahayag ni Patidongan na mahigit 100 katao ang pinaslang at itinapon sa lawa matapos akusahan ng pandaraya sa multi-bilyong pisong ‘E-Sabong’ operations.