Atty. Francis ople

National Museum: Gusali ng Kasaysayan at Pagbangon

Francis Ople Jun 9, 2022
1368 Views

Bagamat naitayo ang gusali ng Pambansang Museo ng Sining na kilala rin bilang Old Legislative Building, noong panahon na tayo ay kolonya pa ng Estados Unidos, masasabi nating isinasagisag nito ang pagsisimula at pag-usbong natin bilang isang malayang bansa at ganap na Republika. Nagsimula ang pagtatayo ng gusali noong 1918 at natapos noong 1926. Unang inilaan ito upang maging gusali ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas ngunit kalaunan ay naging tahanan ng Philippine Legislature sa panahon ng kolonyalismo, ng National Assembly at Commonwealth Congress at ng Kongreso ng Republika ng Pilipinas. Ilang mahahalagang pangyayari sa ating kasaysayan ang naganap sa gusaling ito tulad ng Constitutional Convention ng 1934 na bumalangkas sa ating 1935 Constitution at ng panunumpa ng ilang Pangulo ng Pilipinas tulad nina Manuel L. Quezon, Jose P. Laurel at Manuel A. Roxas. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi nakaligtas ang gusali sa bakbakan at sadya itong nasira sa Battle of Manila ng 1945. Naitayo lang muli ang gusali noong 1950 ayon lamang sa pagkakatanda ng itsura nito bago ang digmaan.

Nasaksihan ng gusaling ito ang tagisan ng husay ng mga batikang mambabatas ng ating kasaysayan tulad nina Manuel L. Quezon, Manuel A. Roxas, Claro M. Recto, Jose P. Laurel, Arturo M. Tolentino, Ferdinand E. Marcos, Benigno S. Aquino Jr., Raul S. Manglapus at marami pang iba. Tunay nga na sa mahabang panahon ay naging lunan ito ng kagalingan at kalinangang Pilipino sa larangan ng pulitika at pamamahala. Nanatili itong tahanan ng Kongreso ng Pilipinas hanggang 1997 (lumipat ang Mababang Kapulungan sa Batasan Complex, Quezon City noong 1987 at ang Senado naman ay lumipat sa GSIS Compound, Pasay City noong 1997). Isinalin sa National Museum of the Philippines ang pamamahala sa gusali noong ika-12 ng Pebrero 1998. Sa ngayon, ang gusali ng National Museum ay nagsisilbi pa ring tahanan—kung saan nakalagak ang samu’t saring artifact, painting, liham at marami pang ibang bagay na kumakatawan at nagpapaalala sa atin sa malagom at mayaman nating kasaysayan.

Kamakailan lamang nailathala na gaganapin sa gusaling ito ng National Museum ang panunumpa ni Pangulong-halal Ferdinand R. Marcos Jr., sa ika-30 ng Hunyo 2022. Tila itinakda ng tadhana na ito ang mapiling lugar na pagdarausan ng panunumpa sa tungkulin ng isang madalang na majority President. Angkop na angkop na sa isang makasaysayang gusali magsisimula ang pamumuno ng isang lider na produkto rin ng isang makasaysayang halalan. Makikita rin ang pagpapahalaga ng ating magiging pangulo sa simbolismo ng gusaling ito—bilang dambana ng ating sining, kultura at kasaysayan. Marahil ay batid niyang ang gusaling ito’y itinayo, nawasak at muling ibinangon na ngayo’y kumukupkop sa ating kaluluwa at diwang makabansa. At tulad din ng gusaling ito, kaniya ring batid na sa pagdaan ng panahon, ang Pilipino ay tumayo, nadapa at sang-ayon sa kaniyang pangako sa ating lahat—ngayon, dala ang ating bagong ningas na diwang makabansa, ay sisimulan na niyang pamunuan ang SAMA-SAMA NATING PAGBANGON MULI.