Calendar
National Treasurer de Leon tiniyak tamang paggamit ng Maharlika Fund
MAYROON umanong sapat na safety nets na inilagay upang matiyak na tama ang magiging paggamit ng Maharlika Investment Fund (MIF), ayon kay National Treasurer Rosalia de Leon.
Sinabi ni de Leon na nakalagay sa panukalang lilikha ng MIF ang mga paraan upang masiguro na hindi maabuso ang MIF at mababantayan ang naturang pondo na gagamitin upang magkaroon ng budget para sa mga malalaking imprastraktura ng bansa.
Bukod sa pagbibigay ng oversight power sa Kongreso, sinabi ni de Leon na mayroon ding external auditor at internal auditor na susuri sa pondo.
Kailangan ding magsumite ang Maharlika Investment Corporation, ang mangangasiwa sa MIF, ng financial report kung saan makikita kung ano ang ginawa sa pondo.
Sa ilalim ng panukala, gagamitin ng gobyerno ang mga pondo mula sa mga financial institution nito para mapondohan ang mga mahahalagang proyekto na kailangan sa pag-unlad ng bansa.
Ang konsepto ng MIF ay hindi na bago at ginagamit na rin sa ibang bansa.