vape Iniharap ni NBI director Jaime Santiago ang mga suspek na naaresto sa entrapment at nasabat ang mahigit P8 million na halaga ng mga ilegal na vape items. Kuha ni JONJON C. REYES

NBI dinampot 5 suspek sa ilegal vape selling

Jon-jon Reyes Jul 7, 2025
259 Views

ARESTADO ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR), sa pamumuno ni Director Jaime Santiago, ang limang suspek sa illegal vape distribution sa Sta. Cruz, Manila na nagkakahalaga ng P8 milyon.

Nakilala ang mga suspek na sina alyas Vincent, Christian, John Rey, Renz at Mercy.

Hinuli ang mga suspek dahil sa ilegal na pamamahagi at online na pagbebenta ng vape products at nag-o-operate sa isang bahay sa Felix Huertas Road, Sta. Cruz, Maynila.

Ginagamit umano ng suspek ang mga social media platform, kabilang ang facebook.com/port2pasok, para mag-market ng mga hindi rehistradong produkto ng vape na paglabag sa RA 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act).

Na-verify ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi rehistrado ang mga ito kaya kumilos ang mga NBI agents.

Naidokumento din ng team ang lugar at pormal na humingi ng tulong sa DTI sa pamamagitan ng sulat na ipinadala sa mga ito.

Noong Hunyo 27 nagsagawa rin ang NBI agent on case ng hiwalay na online test-buy sa pamamagitan ng Facebook account ng suspek, na may mga produktong may label na Haze, Astra at Black Market.

Noong Hulyo 3, nagsagawa ng joint briefing ang NBI team at mga kinatawan ng DTI. Kinagabihan, nagsagawa ng joint entrapment operation ang NBI at DTI team sa address ng suspek at nadakip ang mga suspek.

Binitbit din ng mga ahente ang apat na kasamahan ng suspek at nagresulta sa pagsamsam ng 25,653 na piraso ng vape products na tinatayang may market value na P8,164,570.

Pinuri ni Director Santiago ang kanyang mga tauhan sa matagumpay na operasyon.