Matibag

NBI: Padilla dapat maipaliwanag kung paano nakaalis si Bato sa Senado

73 Views

SINABI ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong nakaraang weekend na dapat kusang-loob na tumulong si Sen. Robin Padilla sa mga awtoridad upang mabuo ang buong salaysay kung paano nakaalis si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa lugar ng Senado matapos itong mailagay sa protective custody ng kapulungan.

Ginawa ni NBI Director Melvin Matibag ang pahayag sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, kung saan sinabi niyang mismong si Padilla ang umamin na sumakay si dela Rosa sa kanyang sasakyan at ibinaba niya ito sa ibang lugar.

“Well, hindi naman na contestable ‘yan. It is Sen. Padilla himself who confirmed na sa kanya sumakay, nakisakay sa kanya at binaba niya sa isang lugar kung saan nga kinuha,” ayon kay Matibag.

Lumitaw ang usapin matapos subukan ng mga awtoridad na ipatupad ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court laban kay dela Rosa. Ang kanyang presensya at kalaunang pag-alis sa Senado ang naging sentro ng magkakasalungat na pahayag matapos ang insidente noong Mayo 13 sa Senado.

“So, I think without even the law enforcement asking Sen. Padilla kung saan, I think he’s a responsible senator, responsible citizen na alam na niya ngayon na dapat managot sa batas,” diin ni Matibag.

Ayon kay Matibag, hindi na kailangang hintayin pa ni Padilla na pilitin siya ng mga ahensiya ng gobyerno na magpaliwanag tungkol sa kanyang nalalaman, lalo na’t may kinalaman ito sa paggalaw ng isang senador na sinusubukang arestuhin.

“Siya na mismo ang voluntary to give to shed light sa pangyayaring ito. Although the question of kanyang responsibility or anything that should be answerable under the law is being studied and built up by the Department of Justice in coordination with other agencies involved po,” paliwanag ni Matibag.

Nang tanungin hinggil sa pahayag ni Padilla na bumaba si dela Rosa sa Makati at hindi na niya alam kung saan ito nagtungo pagkatapos, sinabi ni Matibag na marami pang tanong na kailangang sagutin bukod sa simpleng pagpapasakay.

“Well, even if there are some questions that he should answer, hindi lang sumakay sa kanya at bumaba, I think again I’ll go back to what I said that he’s a responsible citizen, senador siya,” dagdag ni Matibag.

Sinabi rin ni Matibag na dapat ding ipaliwanag ng Senado kung ano talaga ang ibig sabihin ng protective custody kay dela Rosa, lalo na’t sinabi ng ilang senador na pananagutan ng Senado ang dating hepe ng pulisya noong unang subukang ipatupad ang warrant.

“You have to remember, sinabi nila that Sen. Bato was under their protective custody. So ‘yun ho ‘yung isang dapat masagot din ng Senado na you took it upon yourself noong May 11, nung kami po ay unang pumunta roon para effect yung arrest, na nag-usap, usapang lalaki po ‘yan with the Senate President and with the other senators that they are saying he is under the protective custody of the Senate,” ani Matibag.

Ayon sa hepe ng NBI, ang protective custody ay nangangahulugang dapat maihaharap ang taong nasa kustodiya sa mga awtoridad kapag kinakailangan ng batas, at hindi protektahan laban sa legal na proseso.

“So ano ibig sabihin po noon, if you took it upon yourself na protective custody mo, ibig sabihin noon na pagka hindi niyo siya pwedeng kunin sa amin, kami na ang bahala, pero pag kailangan niya managot sa batas at kailangan siyang ipresenta sa anumang ahensya o korte, we will make him available,” sabi ni Matibag.

Ikinuwento rin ni Matibag na tiniyak sa kanya na hindi tatakas si dela Rosa kung kinakailangan nitong humarap sa batas.

“At ‘yan po yung eksaktong sinabi nung ako’y nakikipag-usap sa kanila noong Lunes. Pagka meron na talaga, pag may order at talaga namang dapat siyang isuko, hindi naman tatakas yan, hindi susuko,” ani niya.

Gumamit si Matibag ng simpleng halimbawa upang ipaliwanag ang kahulugan ng custody.

“So that is protective custody. I will make an example for our public to easily understand: Pumasok ka halimbawa sa isang department store, pinaiwan mo ‘yung bag mo,” paliwanag niya.

“Anong ibig sabihin noon, ipinagtiwala mo sa kanya ‘yung bag mo na ‘yun, bigyan ka ng numero, pagka nawala ‘yan, may nangyari dun sa gamit na ‘yan at kukunin mo na ‘yun at hindi mo mabalik, sino po mananagot? ‘Yung may hawak ng gamit na ‘yun,” dagdag pa niya.

Nagbabala si Matibag laban sa interpretasyon ng protective custody na maaaring magbigay-daan upang mapigilan ang pag-aresto habang pinapayagang mawala sa abot ng mga awtoridad ang taong may warrant.

“Baka yata ang pinagtataka nga rito, baka iba yung definition ng Senado rito sa protective custody, hindi niyo pwedeng hulihin pero pwede naming patakasin. Mahirap po yata pag ganoon ‘yung naging sistema natin,” diin niya.

Ayon pa sa kanya, magtatakda ito ng masamang ehemplo kung magiging kanlungan ng mga pugante ang isang institusyong konstitusyonal tulad ng Senado.

“Because it will set a bad precedent right now na ‘yung Senate pwede palang pagtaguan ng isang pugante. So ibig sabihin kung ikaw may balak kang maging professional criminal at maraming means ka to be a senator, magsi-senador ka para pag hulihin ka, nandoon ka lang sa Senado,” ani Matibag.

Sinabi rin ni Matibag na ipinapakita ng insidente ang mas malaking problemang kailangang harapin ng mga awtoridad, lalo na habang sinusubukan nilang ibalik ang disiplina at paggalang ng publiko sa batas.

“I think kailangan ma-realize natin ‘yan because napapansin ko po there is a breakdown of law and order right now. And ako ngayon nandito sa NBI, kami ngayon sa NBI, that is what we want to promote,” sabi niya.

Binigyang-diin ng hepe ng NBI na nakabatay ang posisyon ng ahensiya sa pangangailangang mapanatili ang kaayusan at disiplina sa panahong masusing sinusuri ng publiko ang mga institusyon.

“That we have law and order. We have to instill law and order and discipline to every Filipino right now,” diin ni Matibag.

Dagdag pa niya, naging mas mahirap ang hamon dahil sa bilis ng pagkalat ng impormasyon, mga pahayag, at mga naratibo sa social media.

“And that is a big challenge to all of us especially with the rise of social media,” pagtatapos ni Matibag.