Tsino Iniharap sa publiko nina NBI Director Jaime Santiago at AFP Chief Of Staff General Romeo Brawner Jr. ang mga naarestong Chinese nationals na umano’y sangkot sa intel gathering tungkol sa mga vital spots at installations sa Pilipinas. Kuha ni JON-JON REYES

NBI-STF inaresto 5 Tsino na suspetsang sangkot sa ‘espionage’

Jon-jon Reyes Jan 30, 2025
12 Views

INARESTO ng National Bureau of Investigation-Special Task Force (NBI-STF) ang limang Chinese nationals na umano’y sangkot sa illegal na intelligence gathering tungkol sa Pilipinas.

Base sa intelligence gathering, sa Brgy. Buenavista, Puerto Princesa City nagpapanggap bilang mga mamimili ng mga produktong dagat ang limang nahuli.

Madalas pumunta ang lima sa Ulugan Bay, Puerto Princesa, Palawan para magsagawa ng aerial surveillance at reconnaissance, nangongolekta ng imagery intelligence sa Naval Detachment Oyster Bay (NDOB) sa Brgy. Bahile na bahagi ng Naval Forces West (Navforwest) ng Philippine Navy, ayon sa report.

Tinukoy ang 5 naarestong miyembro ng grupo, na pawang mga miyembro ng Qiaoxing Volunteer Group of the Philippines at Philippine China Association of Promotion of Peace and Friendship, Inc., na sina Cai Shaohuang alyas Richard Tan Chua (Field Commander), Cheng Hai Tao alyas Lestrade (Intelligence Operative), Wu Cheng Tin alyas Brawn (Intelligence Operative), Wang Yong Yi alyas Watson (PRO & Financier) at Wu Chin Ren (miyembro).

Sa pagsusuri sa mga nasamsam na mobile device mula sa mga Chinese national lumabas ang mga litrato ng mga daungan ng Buliluyan, istasyon ng Coast Guard, mga sasakyang pandagat, asset at mga pantalan.

Ang iba pang mga larawan nagpakita ng Del Pilar Class PS 16 ng Philippine Navy, mga mapa ng lupain na tinatanaw ang Subic Bay International Airport, Naval Operating Base Subic, at isang Chinese character na marka na naka-embed sa screenshot na may arrow mula sa Brgy. Barreto, Olongapo na tumuturo sa Naval Operating Base Subic.

Nadiskubre rin ang mga footage ng Philippine Coast Guard (PCG) vessels na BRP Teresa Magbanua at BRP Gabriela Silang na nakadaong sa PCG-Maritime Safety Service Unit NCR-Cluster.