Magi Gunigundo

NCIP nag-aanyaya ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubong Pilipino

140 Views

“ Kung ayaw kilalanin ng mga tao ang karunungan ng katutubong kultura, samakatuwid kanilang kawalan iyon.” Jay Griffiths

INAANYAYAHAN ng Pambansang Komisyon sa Katutubong Pamayanan o National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na makiisa tayo sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubong Pilipino at ika-27 taon anibersaryo ng pagsasabatas ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) o RA 8371 na naging batas noon Oct 29,1997.Ang tema ng pagdiriwang ay “ Makiisa sa paggunita ng pagpapatibay ng IPRA at pagkilala at pagtaguyod sa karapatan ng Katutubong Pamayanang Kultural o Katutubong Pamayanan!” Binabati ko ang ating mga kaibigan sa Tebtebba.org, na mula pa 1996 ay aktibong itinataguyod ang mga karapatan, interes at isyu ng katutubong Pilipino.

Malinaw sa ating 1987 Konstitusyon ang pagkilala ng Estado sa mga karapatan ng Katutubong Pamayanan na isinasama sa balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad ( Seksyon 22, Artikulo II, Konstitusyon ). Itinataguyod rin ng Konstitusyon ang mga karapatan ng mga katutubo sa lupain ng kanilang ninuno at mga nasasakupan upang matiyak ang masiglang ekonomiya, lipunan, at kultura ng kanilang pamayanan( Seksyon 5, Artikulo XII, Konstitusyon).

Upang maisakatuparan ang mga probisyon ng Konstitusyon, ginawang batas ang IPRA. Pangunahing layon nito ang pag-wawasto ng mga makasaysayang kawalan ng katarungan sa paglapastangan at diskriminasyon dinanas ng mga Katutubong Pilipino sa mga nagdaang siglo.

Para sa akin , ang patuloy na diskriminasyon sa katutubo ay bunga ng tinanim na naratibo ng mga banyaga na pagano, hindi ligtas sa impiyerno, mabangis,asal hayop at mangmang ang mga katutubong hindi lumuhod sa krus at imahe ng puting Hesus ng mga Kastila at bibliya ng Amerikano. Maliwanag sa kasaysayan ang ginawang pagkamkam ng kayamanan at malawakang pagpatay ng mga Kastila sa mga Inca at Aztec sa Mexico at Peru, pagtaboy ng mga Amerikano sa mga reserbasyon ng mga katutubo ng Estados Unidos, pagtatag ng mga “resident schools” sa Canada at Hilagang Amerika na sumira ng pagkatao ng mga batang katutubo na dinukot sa kanilang mga tribo upang gawing Kristiyano ngunit dumanas ng kalupitan, hindi pagmamahal, sa mga nagpapatakbo nito.

Itinatadhana ng IPRA ang apat na bungkos ng mga karapatan katulad ng: 1. karapatan sa “ancestral domain”, 2. karapatan sa sariling pamamahala , 3. karapatan sa katarungang panlipunan at karapatang pantao, at 4. mga karapatan sa integridad ng kultura. Nakapaloob sa apat na bungkos na ito ang tatlung po’t anim (36) na partikular na karapatan sa ilalim ng IPRA.

Hindi maikakaila na sa kabila ng pagsisikap ng NCIP na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya tulad ng DENR at Dep Ed , ang mga paglabag sa mga karapatan ng katutubong Pilipino ay nagpapatuloy. Halimbawa ng mga paglabag na ito ang talamak na pagbebenta ng mga bahagi ng ancestral domain , hindi pagsunod sa “free and prior informed consent” , kakulangan ng mga pangunahing serbisyo sa kalusugan, hindi paggamit ng unang wika ng katutubo sa paaralan. Mayroon din mga isyu sa pagpili at pagtatalaga ng Indigenous Peoples Mandatory Representatives.

Sa aking palagay , dapat hingin ng DENR ang mahalagang tulong ng mga katutubong pamayanan sa programa ng “ reforestation” upang tumaas ang survival rate ng mga punong tinatanim sa panot na kabundukan at ng mabawasan ang baha sa kapatagan (Sek.9, IPRA).

Hindi dapat maglubay ang Dep Ed sa pagbuo ng ortograpiya ng mga wikang katutubo, pagsasanay ng mga guro na magturo sa wikang sinuso ng mga batang katutubo ( Sek. 27,28, at 30, IPRA), pagkalap ng mga kwento, tula, awit at sayaw ng mga katutubo at paglimbag ng mga aklat tungkol dito na magagamit sa paaralan(Sek.29,31, IPRA). Sa ganitong paraan, mawawala ng tuluyan ang maling praktis na pagtuturo sa bata ng mga wikang di niya alam kaya nawawalan ng ganang pumasok ang bata sa eskwela, at hangaan ang kultura ng katutubo.

Pahalagahan natin ang karunungan ng mga katutubong pamayanan. Lalong bibilis ang kaunlaran ng buong bansa sa paglalagay sa sentro, hindi sa gilid, ng katutubong kultura. Ni Magi Gunigundo