Calendar
Tinulungan ng Coast Guard District North Eastern Luzon na maibalik nang ligtas ang isang kabaong sa pamilya sa Brgy. Mungo, Tuao, Cagayan, matapos itong pansamantalang inilipat dahil sa pagbaha na dulot ng Tropical Storm #UwanPH noong Nobyembre 10, 2025.
Source: PCG
NDRRMC: Namatay sa ‘Uwan’ umakyat na sa 27
UMABOT na sa 27 ang iniulat na bilang ng mga nasawi dahil sa Super Typhoon Uwan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules.
Ayon sa ahensiya, 19 sa mga nasawi ay mula sa Cordillera Administrative Region―siyam mula sa Ifugao; apat mula sa Benguet; at tig-tatlo mula sa Kalinga at Mountain Province.
Samantala, tatlo ang naitalang namatay sa Nueva Vizcaya sa Cagayan Valley.
May tig-iisang nasawi rin sa Catanduanes, Capiz, Samar, Sulu at isang probinsiyang tinukoy ng NDRRMC bilang “unknown” na kasalukuyang inaalam pa nito.
May iniulat na 36 na sugatan habang dalawa pa ang nawawala. Lahat ng bilang ng mga nasawi at sugatan ay sumasailalim pa sa beripikasyon.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 1,006,149 pamilya o katumbas ng 3,596,174 katao ang apektado, na naninirahan sa 9,643 barangay sa 16 na rehiyon sa buong bansa.
Humigit-kumulang 171,786 pamilya ang nanunuluyan sa 9,014 evacuation centers, habang 84,524 pamilya naman ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation site.
Samantala, umabot na sa 41,202 ang bilang ng mga bahay na nasira dahil sa Uwan, kung saan 33,882 ang bahagyang nasira at 7,320 ang tuluyang napinsala. Philippine News Agency

