Edillon

NEDA maglalabas ng listahan ng mga major project ng Marcos admin

196 Views

MAGLALABAS ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng listahan ng mga major project ng Marcos administration bago matapos ang unang quarter ng 2023.

Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon kasalukuyang pinaplantsa ng socioeconomic planning body ang mahabang listahan ng mga proyekto na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa 206 na proyekto na umano ang nasa listahan na siyang magiging flagship project ng administrasyon.

Maaari umanong mabawasan pa ang listahan depende sa kung ano ang kakayanin na matapos.

Ang kabuuang listahan ay nasa 3,000 proyekto umano.

Bukod sa pagpopondo ng gobyerno, pinag-aaralan ang paggamit ng public private partnership (PPP) para mapondohan ang mga magiging prayoridad na matapos.

Nauna ng inilabas ng NEDA ang pitong high impact project ng administrasyon.

Ito ang 300-bed capacity University of the Philippines (UP)-Philippine General Hospital (PGH) Cancer Center-Public Private Partnership (PPP) project, pagtataas ng rehabilitation cost ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), paggamit ng balanse ng inutang sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa bagong Communications, Navigation, Surveillance-Air Traffic Management (CNS-ATM) system, at pagtatayo ng Dumaguete Airport Development Project.

Kasama rin dito ang Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIDP), at ang P20 bilyong phase 1 ng Integrated Flood Resilience and adaptation project sa tatlong pangunahing river basins sa bansa.