EDSA

Nega epekto ng EDSA rehab hiniling iwasan, bawasan

27 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian ng mas malawak na koordinasyon at kakayahang umangkop mula sa mga pampubliko at pribadong sektor kaugnay ng isinasagawang rehabilitasyon ng EDSA.

Sa kanyang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng kolektibong pagkilos upang mabawasan ang epekto ng proyekto, lalo na sa mga commuter na araw-araw na bumabaybay sa nasabing pangunahing lansangan.

Hinimok niya ang mga ahensya at kompanya na isaalang-alang ang pagpapatupad ng flexible work arrangements, gaya ng work-from-home o alternatibong oras ng trabaho. Aniya, makatutulong ito upang mapaluwag ang daloy ng trapiko habang isinasagawa ang konstruksyon.

“The rehabilitation of EDSA is not just a necessary infrastructure project, it is also a call for collective action and adaptability,” pahayag ni Gatchalian.

Kasabay nito, iginiit din ng senador ang kahalagahan ng pagbibigay ng priyoridad sa mga emergency vehicles sa buong panahon ng rehabilitasyon.

“Kailangan ding siguraduhin na hindi maaantala ang mga emergency vehicles para tumugon sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Bagama’t inamin niyang may kaakibat na abala ang proyekto, ipinunto ni Gatchalian ang mga pangmatagalang benepisyo nito para sa publiko.

“Bagamat magdudulot ng abala ang proyekto, hangad natin ang mga benepisyong makukuha mula rito: mas maayos, mas mabilis, at mas ligtas na biyahe para sa milyong milyong Pilipino,” aniya.

Ayon sa mga ulat, pinangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon, na isinasagawa sa pamamagitan ng phased construction upang maiwasan ang matinding pagkaantala.

Kaakibat nito, binubuo na rin ang traffic management plans at rerouting strategies sa pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang tugunan ang inaasahang trapiko, lalo na sa mga oras ng dagsa ng mga sasakyan.

Base sa ulat, ang rehabilitasyon ng EDSA ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan upang i-modernisa ang transport infrastructure ng Metro Manila. Kabilang sa mga inaasahang hakbang ay ang pagpapabuti ng drainage system, structural reinforcement, at roadway upgrades na inaasahang tatagal ng ilang buwan.