Patay

Negosyanteng babae niratrat sa ulo, tigok

Gil Aman Nov 30, 2025
443 Views

PATAY ang 40-anyos na negosyanteng babae nang barilin sa ulo ng dalawang beses ng hindi kilalang suspek na sakay ng motorsiklo, Sabado ng hapon sa Gen. Trias City sa Cavite.

Sa ulat ng pulisya sa Gen. Trias City, ang nasawing biktima na kinilalang si alyas “Ysa” ay nagmamaneho ng e-bike bandang alas-6:26 ng gabi nang sundan ng armadong suspek.

Armado ng caliber .45 ang suspek na sakay ng Yamaha Mio Soul na walang plaka.

Matapos abutan ang sasakyan ng biktima ay walang babalang pinutukan ng dalawang beses sa ulo, sa may Section 9, Sunnybroke 1, Barangay San Francisco sa nasabing siyudad.

Matapos ang pamamaril ay mabilis tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungo sa hindi mabatid na lugar. Nakasuot ito ng kulay itim na jacket at helmet.

Idineklarang dead on arrival ng doktor sa Gen. Trias Medicare Hospital ang biktima bunsod ng malubhang tama sa ulo.

Wala pang paliwanag ang pulisya hinggil sa motibo ng pamamaslang sa negosyanteng biktima, habang nagsasagawa ito ng masusing imbestigasyon.