Jhassy

New Actress Jhassy Busran di makalimutan ang malakas na sampal ni Gladys Reyes

Eugene Asis Dec 12, 2023
460 Views
MAHIRAP ang papel ng baguhang young actress na si Jhassy Busran sa launching movie niyang “Unspoken Letters” mula sa Outmost Creative Motion Pictures.
Bilang si Felipa na isang special child, patutunayan niyang kaya niyang makipagsabayan sa mga beteranong artista na kasama niya sa pelikula.
Kasama ng young actress sa “Unspoken Letters” ang ilan sa mga award-winning at seasoned actors ng Philippine showbiz kabilang na sina Gladys Reyes, Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Matet de Leon at Simon Ibarra.
Mula sa panulat at direksyon ni Gat Alaman, na siya ring executive producer ng pelikula, ang “Unspoken Letters” ay isang family drama na sesentro sa kuwento ni Felipa (Jhassy), isang 17 anyos na dalagita na may isip ng 7 taong gulang na bata.
Ayon kay Jhassy, “Nag-audition po talaga ako. Siyempre, masaya ako na ako ang bida pero at the same time, kinabahan kasi nga po, may mental retardation siya.
“So, on my part, I did a lot of research. Nanood ng mga video on how they speak and interact. Kasi po si Felipa ang mental age niya ay 7-years-old, at yung ugali na common sa ganung age, yung playful, friendly, yung essence ng isang bata, yun talaga ang ibinigay ko sa character ko. I want it to be a sensitive portrayal, yung may puso at sincere,” kuwento ni Jhassy.
Patuloy pa niya, “Noong nabasa ko ‘yung script, doon ko po na-realize na kaya ‘Unspoken Letter’ kasi may mga bagay tayong kinikimkim sa sarili, na hindi natin sinasabi sa pamilya natin.”
Isa sa mga hinding-hindi makakalimutan ni Jhassy sa pelikula ang pagsampal sa kanya ni Gladys, “‘Yung eksena po namin na sinampal ako ni Miss Gladys, ang isa sa pinaka-memorable scene ko sa ‘Unspoken Letter.’
“Kahit namanhid po ‘yung pisngi ko dahil sa sampal niya, sobrang saya po at nangibabaw ‘yung proud ako sa sarili ko, na nasampal ako ni Miss Gladys,” aniya pa.
Sa mga susunod niyang projects, wish ni Jhassy na makatrabaho sina Jaclyn Jose, Sylvia Sanchez, Lorna Tolentino at Maricel Soriano.
“Kasi bukod sa ang tagal na po nila sa industriya, versatile actors pa sila. Alam kong kapag nakatrabaho ko sila o nakasama, marami akong aral na mapupulot sa kanila, lalo na sa larangan ng showbiz at hindi lang sa larangang ito, kundi pati na rin sa buhay mismo,” paliwanag ng dalaga.
Sino naman ang gusto niyang maka-loveteam? “Kung mabibigyan po ako ng chance, ang gusto ko po, si Elijah Canlas. Kasi ang galing-galing po niyang umarte. Actually, he is one of my celebrity crushes din po.”
Mapapanood na sa mga sinehan nationwide simula sa December 13 ang “Unspoken Letters” na mukhang promising base sa napanood naming trailer. Dapat itong suportahan ng lahat ng mahilig manood ng pelikulang Pilipino.