NFA

NFA maglalabas ng bigas kung may kalamidad

Mar Rodriguez Dec 28, 2024
124 Views

TINIYAK ni National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson na handa ang ahensiya na magpalabas ng bigas para tulungan ang mga institusyon sa panahon ng kalamidad at emergencies kahit sa holiday season.

Inihayag ito ni Lacson sa gitna ng patuloy na pagbuga ng asupre ng bulkang Kanlaon at ang sama ng panahon at mga pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa.

“Inatasan namin ang mga empleyado sa labas na agad buksan ang aming Operation Centers sa mga lugar na apektado ng mga pagbaha, bagyo at iba pang emergency at buksan ang kanilang hotlines upang mapabilis ang koordinasyon sa mga ahensiyang tumutulong sa mga ganitong panahon.

Holiday season tayo ngayon ngunit ang aming tanggapan laging bukas upang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Kasama sa ating pagseserbisyo ang kahandaan sa anumang oras ng pangangailangan,” ani Lacson.

Pinalakas ng NFA ang mga estratehiya sa pagbili ng palay sa ilalim ng Price Range Scheme (PRICERS) upang tugunan ang mga kahilingan sa bigas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), local government units (LGUs) at mga mambabatas para ipamahagi sa mga apektadong pamilya at indibidwal sa mga lugar na may kalamidad.

Naabot ng ahensiya ang 95% na pag-iimbak ngayong taon. Ang kasalukuyang reserba sa ngayon umabot na sa 5.661 million bags ng milled na bigas.