NFA

NFA, PNOC lumagda ng MOA paa sa solar project

Cory Martinez Oct 13, 2024
41 Views

GAGAMIT ng rooftop solar photovoltaic system sa opisina sa Quezon City ang National Food Authority (NFA) upang makatipid sa konsumo ng kuryente.

Ipapatupad ang hakbang matapos lumagda ang NFA at Philippine National Oil Co. (PNOC) sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa bagong solar project.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, bukod sa makatitipid sa kuryente, mapapabuti rin ng proyekto ang energy management ng ahensya.

“NFA is going green. We will not only save on our power cost from this solar rooftop project, we are also contributing to the reduction of carbon emission and in safeguarding the environment,” ani Lacson.

Sinabi pa ni Lacson na ipapatupad din ang proyekto kalaunan sa iba pang tanggapan at bodega ng NFA sa buong bansa.

Sa ilalim ng kasunduan, uupa ang NFA ng isang 100 kiloWatt-peak solar PV system para makakabawas sa bayarin sa kuryente.

Ang buwanang bayarin kakalkulahin base sa net energy output ng solar system na naka-set sa rate na 10 porsiyentong mas mababa sa kasalukuyang utility price.

Dagdag pa ni Lacson, inaasahan na maiibsan ang usaping pinansiyal ng NFA sa pamamagitan ng cost-saving measure na ito.

Ang matitipid dito, ani Lacson, maaaring magamit sa pangunahing mandato ng ahensya–ang pananatiling sapat ang buffer stock ng bigas.

Para sa buong NFA network, 5 MWp ang kabuuang solar capacity.

Naayon ang proyekto sa pangako ng PNOC ang pag-promote ng renewable energy at energy self-sufficiency sa operasyon ng gobyerno.

Sa paggamit ng solar power, hindi lang mababawasan ng NFA ang carbon footprint kundi makakatulong din sa layunin ng pamahalaan na dagdagan ang paggamit ng renewable energy.

Ipinapatupad ang paggamit ng solar PV system sa gitna ng panawagan sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mas mainam na paraan para makatipid sa konsumo sa kuryente.

Sa ilalim pa rin ng kasunduan, maililipat ang pagmamay-ari ng solar PV system
sa NFA matapos ang 15 taon nang walang kaukulang bayad.

Makikinabang din ang NFA sa expertise at resources ng NFA sa panahon ng installation at operational phases ng proyekto.