Calendar

NHA aalisin interes sa amortisasyon ng pabahay
SA pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng National Housing Authority (NHA), makikinabang ang mga benepisyaryo ng pabahay sa buong bansa sa programang condonation ng ahensya para sa 2025 – ang pinakamalaking halaga ng interes sa amortisasyon na aalisin sa kasaysayan ng NHA.
Sa isang pahayag, sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na nauunawaan ng ahensya ang kalagayang pangkabuhayan ng mga benepisyaryo nito, kung saan karamihan sa kanila ay nahihirapang bayaran at i-update ang kanilang buwanang amortisasyon, kaya ang NHA, bilang malasakit, ay magpapatupad ng programang ito.
“Alam naman po natin na lubhang mahirap ang kabuhayan ngayon ng ating mga kababayan, lalo na ang mga benepisyaryo natin, kung kaya tayo na po dito sa NHA ang gumawa ng paraan para lubos na matulungan at maalalayan silang umahon at gumaan ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay,” pahayag ni GM Tai.
Ang estratehiyang pinansiyal na ito ay naglalayong alisin ang 100% ng mga multa at interes ng mga tinatayang 220,000 na delinquent accounts ng mga benepisyaryo ng pabahay sa buong bansa.
Samantala, 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon ay ipapawalang-bisa rin.
Ang programang ito, na tinawag na “Condonation 7,” ay magpapagaan sa mga pasaning pinansiyal ng mga benepisyaryong pamilya sa pamamagitan ng pagbabayad ng mas abot-kaya habang pinapahintulutan silang pamahalaan ang kanilang mga pananalapi nang walang dagdag na stress ng mga singil sa interes.
Ang nasabing programa ay naglalayong bigyan ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng bagong simula sa pamamagitan ng pag-aalis o pagbabawas ng kanilang mga obligasyong pinansiyal na may kaugnayan sa kanilang mga yunit.
Magsisimula ang availment period mula Mayo 1, 2025 hanggang Oktubre 31, 2025. Ang Condonation 7 ay naglalayong tulungan ang libu-libong benepisyaryo sa pabahay na nahihirapang bayaran ang kanilang buwanang amortisasyon kasama ang naipong interes. Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahan ng NHA na mababawasan ang kabuuang utang ng mga benepisyaryo, na magreresulta sa mas mabilis na pagbabayad nila.
Pagbibigay-diin ni GM Tai: “Ang condonation program na ito ng ahensya ay mahalaga para sa ating mga benepisyaryo dahil ito na ang pinakamataas na pag-alis ng tubo o interes at penalty sa mga pabahay nito.”
Pinapaalalahanan ng NHA ang mga mag-a-avail sa programang ito na magdala ng anumang government-issued identification card, at/o NBI clearance, sertipikasyon mula sa barangay, at sertipikasyon mula sa DSWD.
Ang mga hakbang na ito ay nagpapakita ng patuloy na dedikasyon ng NHA sa pagsuporta sa mga pamilyang may mababang kita upang magkaroon ng disenteng pabahay nang walang alalahanin sa mabigat na pasaning pinansyal, dahil ito ay naaayon sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa isang Bagong Pilipinas.