NHA

NHA GM Tai: NHA patuloy na magpupursige maigawad lote sa mga benepisyaryo

Jun I Legaspi Dec 8, 2024
90 Views

NAMIGAY ang National Housing Authority (NHA) ng Transfer Certificates of Title (TCTs) sa 385 na pamilya sa Brgy. Holy Spirit hall at Serbisyong Bayan Park sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City noong December 4 at 5.

Sa kabuuang benepisyaryo, 135 sa mga tumanggap ng TCTs residente ng National Government Center Housing and Development Project (NGCHDP) Westside, samantalang ang 250 galing sa Eastside.

Pinangunahan nina NHA General Manager Joeben A. Tai, 2nd District Representative Ralph Wendel P. Tulfo at Mayor Josefina “Joy” G. Belmonte ang aktibidad.

Sa kanyang mensahe, pinagtibay ni GM Tai ang mandato ng NHA bilang trustee ng NGCHDP.

“Ang NHA po, bilang katiwala sa lupaing ito, patuloy na nagpupursige, katulong ang mga miyembro ng NGCAC, na maigawad na rin ang iba pang mga lote sa karapat-dapat na mga benepisyaryo,” ani GM Tai.

“Ang goal po natin, bago matapos ang administrasyon, makapagbigay po tayo ng 5,000 to 10,000 titles para sa mga pamilya dito sa District 2.” dagdag pa niya.

Pinasalamatan ni Rep. Tulfo ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na nagtulong-tulong upang maging matagumpay ang pamamahagi ng mga titulo.

“Nagpapasalamat ako sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na nagsumikap at nagtulungan para sa tagumpay nating lahat sa araw na ito.=

Sa pagsama-sama ng pwersa ng ating opisina, napabilis po natin ang proseso ng pagpapatitulo ng inyong mga lupa.

Sa wakas, meron na kayong sariling lupa, sariling tahanan, isang yaman na hindi kailanman maaangkin ng iba.” kanyang idinagdag.

Ayon kay Mayor Belmonte: “Sana maging masaya tayo na sa wakas nangyari din [awarding of titles] at umabot tayo sa araw na ito.”