NHA

NHA namigay ng tig-5 kilos ng bigas sa bawat pamilya sa 50th anibersaryo

Jun I Legaspi Jun 8, 2025
35 Views

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng National Housing Authority (NHA), sa pamumuno ni General Manager Joeben Tai, namigay ang ahensya ng libreng bigas sa mga pamilya sa resettlement communities sa Bulacan at Valenzuela.

Pinangunahan ni Bulacan District Office Officer-In-Charge Ma. Jeriel Michael ang pamamahagi ng libreng bigas sa mga benepisyaryo ng San Jose del Monte Heights sa Bulacan.

Si Assistant General Manager Alvin Feliciano ang nanguna sa rice distribution sa Disiplina Village, Bignay, Valenzuela City.

Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay nakatanggap ng limang kilong bigas bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng NHA at National Food Authority (NFA) sa pagsuporta sa mga housing communities sa buong bansa.

“Maraming salamat po NHA. Sa tulong na ipinaabot niyo po sa amin. Malaking bagay na po ang limang kilong bigas para sa aming pamilya,” sabi ni Aling Sheila, isang benepisyaryo ng Malabon Waterways Relocation.

Ayon kay Aling Anita, may apat na anak at matagal nang residente ng Disiplina Village Bignay: “Napakalaking tulong po ito sa amin, lalo na’t may mga araw na kapos sa budget.

Salamat po sa NHA, kay GM Joeben Tai at kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa patuloy ninyong pagmamalasakit sa amin.”

“Hangad namin na sa simpleng 5 kilong bigas, amin kayong natulungan. At sa selebrasyon ng aming ika-50 anibersaryo, sinisiguro naming maramdaman ninyo ang pagkalinga ng aming ahensya at ng pamahalaan,” sabi ni Tai.

Ang libreng pamamahagi ng bigas ay kabilang sa maraming programa na inihanda ng NHA katuwang ang Department of Agriculture (DA).

“Kabilang sa iba pang inisyatiba ay ang paglulunsad namin ng People’s Caravan, pagtatayo at pagsuporta ng kabi-kabilang KADIWA ng Pangulo at ang pagbebenta namin ng abot-kayang bigas sa mga NHA resettlement sites,” paliwanag ni Feliciano.

Matapos ang pagpapalawig ng Charter nito para sa 25 pang taon, muling pinagtitibay ng ahensya ang pangako nitong iangat ang buhay ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng inclusive at community-centered services na ayon sa vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na isang “Bagong Pilipinas.”