Calendar
Nigerian inambush ng 4 na nakamotor, sugatan
SUGATAN ang 31-anyos na Nigerian national matapos pagbabarilin ng apat na nakamotorsiklong suspek sa Quezon City nitong Sabado ng hapon.
Sa report ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), alas- 3:15 ng hapon nitong Sabado (December 13), nang maganap ang pamamaril sa harap ng Maxima Machineries Incorporated, sa kanto ng Dr. Garcia at Quezon Ave., sa Brgy. Paligsahan, Quezon City.
Ayon sa report nag-aabang ang biktima nang masasakyan nang dumating ang mga suspek na sakay ng kani-kanilang motorsiklo at biglang huminto sa tabi ng biktima.
Bumaba sa motorsiklo ang mga back riders na parehong armado ng baril at nilapitan ng isa dito ang biktima at sabay tutok ng baril saka sinubukang agawin ang pouch ng dayuhan.
Nang mapansin ng biktima na may mga baril ang suspek ay agad itong tumakbo patungo sa direksyon ng saksing sikyo, pero binaril pa rin siya.
Bagamat duguan, muli siyang pinaputukan ng baril ng dalawang beses ng isa pang backrider saka tumakas ng makita ang nagrerespondeng security guard.
Agad namang isinakay sa taxi ang biktima at isinugod sa Capitol Medical Center na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang paa.
Nakasamsam ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano ng dalawang deformed metallic fragment, isang deformed led core, at dalawang basyo ng 9mm caliber.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at sinusuri na rin nila ang mga CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.

