Tricycle

No plate, no travel policy magpa-pilot run sa QC

Jun I Legaspi Jun 15, 2024
99 Views
SA pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, ang Land Transportation Office (LTO) ay magpapatupad ng “No Plate, No Travel” policy sa lahat ng tricycle na ginagamit bilang pampublikong transportasyon sa loob ng Lungsod simula July 1.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mahigpit na pagpapatupad ng patakaran ay isinagawa matapos matugunan ng ahensya ang halos 3,000 backlog sa mga plaka para sa mga tricycle driver sa Quezon City noong nakaraang buwan na binigyang-diin ng seremonyal na pamamahagi ng mga plaka sa Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODAs).
Ito rin ay alinsunod sa utos ni Department of Transportation Secretary (DOTr) Jaime J. Bautista na agarang ipamahagi ang lahat ng plaka sa mga motorista sa lalong madaling panahon.
“With all the license plates already distributed to all tricycles being used in public transport in Quezon City, your LTO will presume that tricycles with no license plates but are being used in transporting passengers in Quezon City are colorum, or operating illegally” ani Assec Mendoza.
Ang “No Plate, No Travel” sa Quezon City ay magsisilbing pilot run ng mas mahigpit na road safety at anti-colorum measures habang pinaplano ng LTO na palawakin ang pagpapatupad ng patakaran sa buong bansa, partikular sa mga four wheel vehicle.
Ito ay matapos matugunan ng LTO ang backlog sa mga plaka para sa mga four wheel vehicle noong unang bahagi ng taon mula nang ang ahensya ay nakakapag-produce ng isang milyong plaka kada buwan simula noong huling bahagi ng nakaraang taon.
Ang hamon, gayunpaman, ay ang proseso ng pamamahagi mula sa mga car dealers patungo sa kanilang mga kliyente.
“Umaapela po tayo sa mga car dealership na i-distribute na ang mga plaka sa kani-kanilang kliyente in the soonest possible time dahil wala na pong backlog ng mga plaka sa four wheel vehicles,” ani Assec Mendoza.
“We also extend the same appeal to the motor vehicle owners. Dapat ay kunin na nila ang kanilang mga plaka at ikabit na agad ito sa kanilang mga sasakyan,” dagdag niya.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang LTO sa DOTr sa pagpaplano at pagpapatupad sa buong bansa ng “No Plate, No Travel” policy.
“What is certain is that the ‘No Plate, no Travel’ policy will be implemented soon. Huwag na po nating hayaan na maabutan pa tayo nito dahil may karampatang penalty laban sa mga mahuhuling lalabag nito,” saad ni Assec Mendoza.