Valeriano

No show ni VP Sara sa NBI pinuna ni Valeriano

Mar Rodriguez Nov 30, 2024
52 Views

OPTIMISTIKO si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na nawa’ywalang kinalaman ang hindi pagsipot ni Vice President Inday Sara Duterte o “no show” sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naging pahayag naman ng Office of the Ombusdman.

Ayon kay Valeriano, Chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, umaasa siya na walang kinalaman ang hindi pagsipot ni VP Sara sa NBI office matapos ipahayag ng Ombudsman na maaari silang manghimasok o mag-intervene sa isasagawang imbestigasyon ng NBI sa kaso ng Bise Presidente.

Pagdidiin ni Valeriano na maaaring iniisip din ni VP Sara Duterte na siya ay maliligtas sa mga kasong posibleng kaharapin nito sakaling pumasok na sa naturang issue ang Ombusdman.

Kung saan, naniniwala ang kongresista na posibleng hindi rin nakahandang humarap ni VP Sara Duterte sa NBI kaya kinakasangkapan na aniya nito ang samu’t-saring delaying tactics at mga palusot para lamang makaiwas sa asuntong kakaharapin nito.

Sabi din ni Valeriano na kabilang sa mga bagong “gimmick” ni VP Sara para lamang iantala ang ikakasang imbestigasyon laban sa kaniya ay ang paghingi umano nito ng advanced questions sa NBI at kahilingan nito ng special treatment.

Dahil dito, binatikos din ni Valeriano ang tila-kapritsong ipinapakita ni VP Sara Duterte dahil batid umano nitong hindi magiging mahigpit sa kaniya ang mga awtoridad bilang kortesiya sa kaniya bilang pangalawang mataas na opisyal ng pamahalaan.

“Humihingi pa siya ng advanced questions sa NBI. Abogado siya at pasado pa sa Bar. Sa palagay niya, may ganoon ba? May request pa siya ng special treatment. Ano ba ito? Take home exam with open notes?” wika ng mambabatas.